Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ikokonsidera nila ang iba pang mga opsyon matapos ang pagtutol ng mga bicycle riders at motorcycle riders sa lane-sharing sa EDSA.
“Walang nag-agree,” ani MMDA chief Romando Artes sa isang press conference pagkatapos ng kanyang pakikipagpulong sa mga grupo sa isyu.
“That’s why we have to study it kung ano yung mga options. Kasi yun yung pinaka-importante siguro na pagdesisyunan kung puwede pagsamahin. Kung hindi puwedeng pagsamahin, ano ang puwede nating gawin na paraan,” dagdag pa niya.
Iminungkahi ng MMDA na magbahagi ng lane matapos maiulat ang mga motorsiklo ay gumagamit na ng EDSA bike lane na, aniya, ay hindi naman masyado nagagamit na.
Nauna nang sinabi ng MMDA na huhulihin nito ang mga motorsiklo na gumagamit ng bike lanes, ngunit hindi pa mag-iisyu ng ticket.
Karamihan sa mga grupong lumahok sa pulong sa MMDA ay nagpahayag ng mga alalahanin sa kaligtasan sa mga iminungkahing shared lanes. RNT