MANILA, Philippines – Nagpahayag ng buong tiwala at suporta ang iba’t ibang grupo na kabilang sa shipping at logistics industry kay Transportation Secretary Jaime Bautista at hinimok din nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatuloy sa pagtitiwala at kumpiyansa kay Bautista.
Inilabas ng grupo ang kanilang hindi matitinag na suporta matapos na mag-akusa ang isang dating empleyado ng LTFRB na may katiwalian sa ahensya, ngunit kagyat namang binawi ng empleyado ang kanyang paratang at umamin sa isinagawang pagsisinungaling at humingi ng paumanhin kay Bautista at suspendidong chairman ng LTFRB na si Teofilo Guadiz III.
Nagsampa na rin ng kasong kriminal si Bautista laban sa mga taong naninira at nag-aakusa sa kanya.
Nagpahayag din ang grupo na suportado rin nila ang ginagawang hakbang ni Bautista para protektahan ang kanyang integridad sa gitna ng mga akusasyon ng katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na nasa ilalim ng Department of Transportation na pinamumunuan ni Bautista.
Binigyang-diin nila na si Bautista ay biktima ng mga gawa-gawang alegasyon upang pigilan ang kanyang mga plano na baguhin ang industriya ng pandagat at gawing mas kompetitibo laban sa mga global na katunggali.
Ang mga pumirma sa pahayag ay sina Dennis Llovido, Presidente ng Supply Chain Management Association of the Philippines; Fernando Juan Perez, Presidente ng Philippine Multimodal Transport and Logistics Association, Inc.; Nelson Mendoza, Presidente ng United Portusers Confederation of the Philippines, Inc.; Connie Tinio, Direktor ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations; Roger C. Lalu, Chairman ng Association of Container Yard Operators of the Philippines; Patrick Ronas, Presidente ng Association of International Shipping Lines, Inc.; Mark Matthew F. Parco, Presidente ng Philippine Liner Shipping Association at Joselito Ilagan, Presidente ng Philippine Ships’ Agents Association.
Sinabi pa ng mga grupo na sa loob lamang ng 15 buwan sa puwesto, pinatunayan ni Bautista na may kakayahan siyang baguhin at ayusin ang sektor ng pandagat ng bansa upang mapaunlad ang pambansang seguridad at ekonomiya sa makabago at global na mundo.
“Secretary Bautista has the vision, courage, strength, prudence, and integrity to be our partner in forging a stronger maritime transportation system that would ensure safety, security, and environmental sustainability through the efficient use of our navigable waterways and proper management of our ports,” anila. RNT