
UMAKYAT ng 12% ang nailabas na short-term loans ng HDMF o Home Development Mutual Fund o mas higit na kilala bilang Pag-IBIG Fund mula mga buwan ng Enero 2023 hanggang Oktubre 2023 na nasa Php 50.79 bilyon kumpara sa Php 45.29 bilyon sa kaparehas na panahon noong 2022.
Bukod dito, mas dumaming miyembro ang nakinabang sa cash loans na umangat ng 6% o 2.28 milyon na mga miyembro.
Karamihan sa mga nagproseso ng cash loans ay idinaan sa online application na tumaas ng 60% o katumbas ng halagang P16.65 bilyon.
Karamihan sa mga nagproseso ng cash loans ay idinaan sa online application na tumaas ng 60% o katumbas ng halagang P16.65 bilyon.
Ayon kay Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta, ang pagtaas ng short-term loans ay dahil sa mas pinadaling proseso ng availment at mataas na kumpiyansa ng mga miyembro sa ahensiya.
Kabilang sa mga short-term loans ng Pag-IBIG Fund ay ang MPL o multi-purpose loan at calamity loan.
Nasa 95% ng kabuuang cash loans ay MPL na umabot sa Php 48.32 bilyon na pinakinabangan ng 2.13 milyon miyembro.
Sa ilalim ng MPL, ang kwalipikadong miyembro ay makapanghihiram ng hanggang 80% ng kanyang kabuuang regular savings mula sa pinagsama-samang buwanang kontribusyon, employer’s contribution, at mga dibidendong kinita.
Nagagamit ang MPL sa pambayad ng tuition fee, medical expenses, minor home improvement o house repair, family trip o pangbili ng plane tickets at puhunan sa maliit na negosyo.
Maaari itong mabayaran sa loob ng dalawang taon o 24 na buwan o kaya tatlong taon 36 na buwan, at may dalawang buwang grace period, na may tubo na 10.5% bawat taon.
Ang calamity loans naman ay bukas sa mga miyembro na nakatira o naninirahan sa isang lugar na tinamaan ng kalamidad at nadeklarang nasa ilalim ng “State of Calamity”. Sa pinakahuling datos, umabot na sa P2.48 bilyon ang naipautang sa 150,000 na mga miyembro.
Sa kasalukuyan, ang Pag-IBIG Fund ay may 15.58 milyon na aktibong mga miyembro.