MALI ang iniisip n’yo. Hindi kandidato sa pagkabarangay chairman si Ronnie Ong at lalong hindi bilang Sangguniang Kabataan Chairman. Ang sinasabing Chairman Ronnie Ong ay ang chairman ng Board of Trustees ng Local Water Utilities Administration.
Nakalulungkot dahil marami ang humahanga kay Ong lalo na noong siya ay nasa Kongreso pa at isang mambabatas subalit ngayon ay nasangkot siya sa pananakit sa kapwa niya opisyal sa LWUA.
Inireklamo si Ong nang pananakit at pananakot ni Atty. Danilo Beleno Jr., assistant board secretary ng LWUA, nang ipatawag ng una ang abogado dahil sa usapin sa proseso ng kanilang trabaho.
Tingin ng karamihan kay Ong ay hindi makabasag-pinggan kaya nga sa hinahon nito magsalita ay nagawa niyang makumbinse ang kanyang backer upang makuha ang kasalukuyang pwesto sa LWUA kung saan ay natalaga siya noong Mayo 2023.
Sabi nga ng impormante ng Pakurot , walang naitulong si Ong sa kampanya ni
Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong election 2022 dahil tumatakbo rin ito sa partylist subalit nasa kabilang bakod.
Malas niya dahil hindi siya nanalo sa tinakbuhan niyang pwesto maaring dahil hindi siya gusto ng mga tao, hindi dahil sa tahimik siya at mahinahong tao subalit dahil sa maaaring kilala na kung paano niya tratuhin ang kanyang subordinate.
Sinabi ng ilang impormante sa LWUA, nagtatrabaho naman si Ong sa tanggapan subalit may mangilan-ngilan umanong ginagawa o iniuutos ito na labas na sa kanyang trabaho at responsibilidad bilang chairman of broad of trustees.
Isang halimbawa umano ang pagpapadala ng memo at utos sa mga department head at managers na kumuha ng mga sensitibong dokumento ng ahensiya nang walang paalam sa mismong pamunuan ng LWUA na dapat ay office protocol.
May mga pagkakataon din umano, ayon sa source, na pinapagalitan at hinihiya niya ang mga regular na empleyado dahil sa hindi raw pagsunod sa kanyang mga utos. Na
kaya siya hindi sinusunod ay dahil alam ng mga empleyado na may sinusunod silang protocol.
Naku, hindi kaya mainis ang backer niya kapag nalaman ang kanyang mga pinaggagagawa? Eh parang ang sabi, kaya siya napili na mailagay sa LWUA ay dahil sa programang ‘Unity” ni Pangulong Marcos.
Eh, idinagdag pa ng mga empleyado na walang sapat na kaalaman sa kanyang trabaho itong chairman ng board of trustees ng LWUA at madalas ay ang kanyang staff ang
kanyang inaasahan sa kanyang trabaho.
Paano kaya iyon?
Aba, mas mabuti pa na umalis na lang siya. Gawin kaya niya? Malamang sa hindi, dahil may ambisyon siya.