Home OPINION SIBAKAN SA OFWs, OBRERO SA AI PAGHANDAAN

SIBAKAN SA OFWs, OBRERO SA AI PAGHANDAAN

NGAYON pa lang, dapat nang maghanda ang pamahalaang Marcos at mga susunod pang administrasyon sa masasamang epekto ng Artificial Intelligence, partikular sa mga manggagawa.

Ito’y dahil magkakaroon ng 60 porsyentong epekto ang AI sa lahat ng obrero sa buong mundo.

Ayon sa International Monetary Fund, tanging ang mayayaman at mauunlad na bansa ngayon ang makararamdam ng epekto ng AI na nakatanim sa computers, gadgets at robots dahil sila ang mayroon nito nang malawakan, sa gobyerno at sa pribado.

Kabilang sa mga masasamang epekto ang pagbaba ng sahod o kawalan na mismo ng sahod dahil sa pagkawala ng trabaho para sa mga obrero.

Magaganap ito dahil ginagawa na ng AI at robot ang maraming gawain na ginagawa ng mga tao.

Ang magandang balita lang dito, lalong gaganda ang trabaho ng mga obrero sa tulong ng AI.

Tiyak na maaapektuhan ang Pinas sa pagkakatanggal sa trabaho ng overseas Filipino workers dahil sa AI.

Sa ngayon, ang mga digmaan, gaya ng sa Gitnang Silangan, sa lupa man o sa karagatan, ang nagpapatigil ng empleyo ng mga OFW kaya sila umuuwi sa Pilipinas o nagiging bilanggo sa ibang bansa.

At may epekto ito sa estado ng kabuhayan ng kani-kanilang mga pamilya sa kawalang ng remittance.

Paano nga kung AI at robot na ang hahawak sa maraming trabaho sa darating ng mga araw na ngayo’y nasa kamay pa ng mga OFW?

Ilan sa milyones na OFW ang mawawalan ng trabaho at, natural, mawawalan ng remittance na pinakikinabangan ng mga pamilya-OFW at mismong pamahalaan?

Posible ring ito mismo sa Pinas sa mga darating na araw, lalo’t mismong ang pamahalaang Marcos ang nagsusulong ng digitalisasyon na siyang pasimula ng AI at robotics.

Paano sasaluhin at gawing produktibo ang mga nawawalan at mawawalan pa ng trabaho at pagkakitaan ng mga Pinoy sa loob at labas ng bansa dahil sa AI at robot?

Previous articleMAGALING NA EKONOMISTA SI RECTO
Next articleLAGING MAGHANDA SA DISGRASYA SA EROPLANO