
Manila, Philippines – Hinamon ni House Speaker Martin Romualdez ang mga awtoridad na magkasa na ng kaso laban sa kartel ng sibuyas.
“I call on the concerned authorities like the National Bureau of Investigation, the Philippine Competition Commission and the Department of Agriculture to work together to stamp out this cartel and spare our people from further suffering caused by their unscrupulous trade practices.”
Mahalaga aniyang masundan ng mga otoridad na ipagpatuloy ang nasimulan ng Kamara na pagdetermina sa krimen ng mga sangkot sa hindi katanggap-tanggap na pagtaas ng presyo ng sibuyas at isampa na aniya ang kaso upang managot ang mga ito at mahinto na ang kartel na siyang dagdag pasan ng mga Pilipino.
Ang panawagan ng speaker ay kasunod ng paglalantad ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo sa mga personalidad na sangkot sa onion cartelang operasyon nito, pinagkukunan ng suplay at impluwensya.
“The extensive hearings conducted by the House have already provided good leads which our authorities can follow to build an air tight case and prosecute those involved,” ani Romualdez.
Giit pa ng mambabatas na ang maling pagnenegosyo ay maaaring papanagutin sa ilalim ng Philippine Competition Act (PCA), na nagbibigay kaparusahan sa mga negosyanteng sangkot sa iligal na kasunduan ng multang hanggang sa P100 milyon at pagkabilanggo ng hanggang pitong taon.
Ang multa ay maaaring tumaas pa kapag ang mga produktong sangkot ay pangunahing bilihin gaya ng agricultural products na nakasaad sa Price Act na may cartel, pang-aabuso at karahasan.
Matatandaan na ang presyo ng sibuyas ay umabot ng hanggang P700 kada kilo noong Disyembre na siyang nagtulak upang isulong ni Romualdez ang isang imbestigasyon at masawata ang katiwalian.
Pinuri rin ni Romualdez si Quimbo dahil sa pagsisikap nitong maibunyag ang onion cartel key players gayundin ang pagsisikap na ginawa ng Committee on Agriculture and Food na siyang magkatuwang na nagsagawa ng imbestigasyon.