Home OPINION SIGA, MANDARAYANG DAYUHANG NEGOSYANTE

SIGA, MANDARAYANG DAYUHANG NEGOSYANTE

MAGANDA ang mga serbisyong ibinibigay ng pamunuan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa kanyang nasasakupan sa kabuuan ng Lungsod ng Caloocan.

Siyempre, kasama ni Mayor Malapitan sa pagbibigay ng magandang serbisyo at pag-unlad sa Caloocan City ang kanyang amang si 1st District Rep. Oscar “Oca” Malapitan at kapatid na 1st District Councilor Vincent Ryan “Enteng” Malapitan.

Totoong mahihirapang talunin ng sinomang magtatangka na agawin sa kanila ang pamamahala sa lungsod sa susunod na mid-term elections. Kaya naman, sana lang ay patuloy ang magandang serbisyong kanilang ibinibigay sa mamamayan ng kanilang mga nasasakupan.

Pero hindi maiiwasang may mangilan-ngilan na sumisira ng kanilang magandang pangalan tulad ng isang dayuhang negosyante na nagmamay-ari ng Power King 88 Hardware na nasa kahabaan ng Llano Road, Barangay 167, sa North Caloocan na nasasakupan ng 1st Dsitrict ng lungsod.

Bukod sa mahal ang paninda ng negosyanteng dayuhan, mandaraya rin ito at ipinagyayabang na malakas daw siya sa alkalde ng lungsod kaya naman kahit mamimili na may reklamo sa kanyang paninda ay sinisigawan niya.

Hindi lang naman ang pagiging siga nito ang isyu subalit maging ang pagiging mandaraya. Sumisingil siya ng gate pass sa kanyang kliyente sa halagang P100 na hindi naman niya ibinabayad sa gate na pinagdedeliberan niya ng mga nabili sa kanya dahil madalas na walang bantay na guwardiya sa subdivision.

Ang masaklap pa, hindi maintindihan ang sulat niya sa resibo kung ano ang binili basta ang malinaw lang ay ang presyo na nakalagay lalo na ang kabuuan ng babayaran.  Pero ang dapat tingnan ng Caloocan City Business Permit and Licensing Office ay kung kumpleto ang papeles nitong Power King 88 Hardware dahil ang resibong iniisyu nito ay nakatago ang pangalan ng establisimyento, may-ari at contact number ng tindahan.

Sadyang hindi isinasama ang pinakataas na bahagi ng resibo kung saan nakatala ang mga importanteng pagkakakilanlan ng negosyo.  Sa madaling salita, hindi lang dapat ang Caloocan City local government ang mag-check nitong nasabing hardware subalit dapat din itong inspeksyunin at sitahin ng Bureau of Internal Revenue upang mabatid ang pandarayang ginagawa nito.

Paano kung gawa-gawa lang ang resibo? O hindi nagbabayad ng tamang buwis ang negosyanteng ito? Kawawa na naman si Juan Dela Cruz na naloloko nitong dayuhang negosyanteng ito at siyempre pati na ang Inang Bayan.

Mas maganda rin na malaman natin kung talagang kaibigan siya ng pamilya ni Mayor Along. Baka kasi opisyales lang ng barangay ang kaibigan niya o traffic enforcers ang kakilala niya at nagagamit lang ang pangalan ng butihing alkalde.

Pakisita na rin kaya ng Barangay Llano o Barangay 167 elected officials sa pangunguna ni Kapitan Antonio “Tony” Reyes.

Previous articleNANG MAHATI ANG NAGKAKAISA
Next articlePRESYO NG BIGAS SUKATAN SA PAGBABAGO