Home OPINION SIGALOT SA GITNANG SILANGAN

SIGALOT SA GITNANG SILANGAN

NAGULAT ang buong mundo sa pagsabog ng karahasan sa Israel sa gitnang silangan.  Sa isang iglap, inilunsad ng mga Palestinong Hamas ang pag-atake na tinagurian “Al Aqsa Storm” noong ika-7 ng Oktubre 2023.   Mistulang pelikula ang mga pangyayari.   Halos limang libong rocket missiles ang pinakawalan mula sa Gaza strip, sa timog ng Israel.

Sinundan ito nang paglapag ng daan-daang mga paratroopers at glider troops mula sa ere.   Kasabay nito ang pagsulong ng mga tanke at mga bulldozer na giniba ang border walls at saka pumasok ang libong mga sundalo sa Israel.

Kahindik-hindik ang mga sumunod na mga pangyayari.  Halos isang libo ang namatay na mga taga-Israel na karamihan ay mga sibiliyan.   Meron ding mga kinidnap at dinala sa border, na ang hinala ng marami ay gagawing mga hostage para magdalawang isip ang Israel na umatake.

Naghiganti agad ang Israel nang pagbomba sa mga military at utility buildings at assets ng mga Palestino.   Tinatayang libo na rin ang namatay na mga Palestino nitong mga nakaraang  sunod-sunod na pag-atake ng Israel.

Kailangan nating linawin na hindi giyera ng mga relihiyon ang nangyayaring kaguluhan.   Bagamat mga Hudyo at mga Muslim ang mga sangkot dito, ang awayan at agawan sa Jerusalem at sa lugar ng Israel ay matagal nang agawan ng lupa.  Sa totoo lang, panahon pa ito ng mga kwento sa Bibliya.

Natatandaan n’yo ba ang istorya ni David at Goliath? Si David ay Israelita at si Goliath ay isang Palestino.   Ito mismo ang away na nakikita natin ngayon.   Kaya lang, baliktad na ang katauhan, kasi mas malakas at mas makapangyarihan ang Israel kesa sa mga Palestino ngayon.

Ayon sa mga huling balita, mahigit 30,000 Pilipino ang nagtatrabaho o naninirahan na sa Israel, at wala raw sa kanila ang humiling na ma-repatriate pabalik sa Pilipinas.

Panalangin na wala nang madagdag pang Pilipinong masugatan at mamatay, at sana ay manaig ang mga panawagan na itigil ang putukan at mag-usap ang magabilang panig sa gulong ito.

Previous article RTL, NAKATULONG  BA SA MGA KONSYUMER AT MGA MAGSASAKA?
Next article‘INTELLIGENCE’ NG ISRAEL SUMABLAY