Home METRO Simbahan dumistansya sa viral dance performace sa Kapistahan ng Sto. Niño

Simbahan dumistansya sa viral dance performace sa Kapistahan ng Sto. Niño

MANILA, Philippines- Dumistansya ang Santo Niño de Tondo Parish of Manila mula sa viral dance performance ng isang lalaking walang damit pantaas sa selebrasyon ng Pista nitong nakaraang Linggo.

Sinabi ni parish priest at rector Rev. Msgr. Geronimo Reyes sa isang post sa Facebook page ng Simbahan, hindi nakahanay sa layunin ng Lakbayaw ang ganitong gawain.

“Ang mga grupo na gumagawa nito ay hindi nakaugnay sa angkop na layon ng Lakbayaw at pagpaparangal sa debosyon sa Pintakasing Santo Niño na may katauhan bilang bata na may kababaang loob at masunurin sa Diyos Ama,” sabi ni Rev. Reyes

Aniya, ang “Lakbayaw” ay kombinasyon ng mga salitang lakbay (paglalakbay) at sayaw (sayaw), kung saan sumasayaw ang mga deboto habang hawak ang imahen ng Santo Niño upang ipahayag ang pasasalamat sa mga nasagot na panalangin.

“Hindi na po ito ang diwa ng Lakbayaw na dapat magsalarawan ng ating pananampalataya at pasasalamat sa Batang Diyos na Siyang sentro ng ating pagdiriwang” ani Reyes.

Idinagdag niya na ang grupong gumawa nito ay hindi kabilang sa mga nagpalista para opisyal na sumali sa Lakbayaw.

“Malinaw sa nangyayari na ang atensyon ng mga deboto at mananampalataya na dapat ay naka sentro sa ating Mahal na Poong Santo Niño ay inaagaw ng mga ganitong gawain bilang indibidwal,” sabi ni Reyes.

Aniya, hindi kinukunsinti ng Simbahan ng Tondo ay ang mga aktibidad na maglalagay sa pananampalatayang Katoliko sa masamang gawain. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleLPG price freeze pinairal sa ilang bahagi ng Mindanao  
Next articleMiyembro ng IDF na dugong-Pinoy patay sa Gaza blast – embahada