Home METRO Simbahang Katolika, IFI dumistansya sa SBSI

Simbahang Katolika, IFI dumistansya sa SBSI

MANILA, Philippines- Dumistansya ang Iglesia Filipina Independiente at Roman Catholic Church sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa gitna ng kinahaharap nitong mga kaso.

Sinabi ni Bishop Noel Lorente ng IFI Siargao Diocese na mahigit sa 3,500 miyembro ng SBSI ang ginagamit na parishioners sa kanilang simbahan.

Nasorpresa sila noong 2019 nang iwanan ng mga parishioner ang kanilang kongregasyon at lumipat sa bundok na umano’y ipinag-utos ng lider na si Jey Rence Quilario o Senior Agila.

Sinabi ni Lorente na nakipag-ugnayan sila sa parishioners at tinanong kung bakit sila umalis ngunit nagbago ang mga miyembro at hindi na nakikinig sa kanilang mga salita.

Ikinalungkot din aniya nila nang tanggihan sila ng SBSI na makapasok sa komunidad para mag-alay ng misa at final rites sa mga miyembro na namatay.

Bagama’t kinuwestiyon ng obispo ang paniniwala ng mga tagasunod ng SBSI, sinabi niyang bukas pa rin ang kanilang simbahan sa mga miyembrong gustong bumalik sa kanila.

Ang Simbahang Romano Katoliko, sa bahagi nito, ay nagpahayag ng pagdududa sa paniniwala ng SBSI sa Sto. Niño, dahil naniniwala rin umano sila na si Quilario ang kanilang diyos.

Hinala ng Simbahan, ginagamit lamang ng grupo ang Sto. Niño para manatili ang mga tagasunod sa grupo. Insulto daw ito sa imahe ng Sto. Niño at sa pananampalatayang Katoliko.

Tumangging magbigay ng pahayag ang SBSI ngunit nauna nilang itinanggi na hindi pinapayagang makapasok ang mga tagalabas sa kanilang komunidad.

Kapwa nanawagan ng kapayapaan sa bayan ng Socorro ang Roman Catholic Church at IFI at para sa hustisya at para manaig ang katarungan at katotohanan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMindoro handa nang tumaggap ng mga turista – Frasco
Next articlePagsama ni Rendon Labador sa PNP raid binubusisi