Mistulang sentro ng mga bisyo gaya ng alak at sex ang itsura ng sinalakay kamakailan na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Pasay City.
Ito ang pagsasalarawan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa POGO hub na sinalakay ng mga otoridad nitong October 27 dahil sa mga ulat na nagiging pugad ito ng mga iligal na aktibidad gaya ng sex trafficking at love at crypto scams.
Ayon sa kalihim walang nagaganap na POGO operation sa naturang gusali kungdi pawang mga immoral at iligal na aktibidad gaya ng prostitydyon at droga.
Nadiskubre rin ng mga otoridad ang isang kwarto na naglalaman ng mga gamit para magpahirap o mag-torture gaya ng mga heavy-duty taser, airsoft guns, baseball bats at wooden club.
Samantala, pabor si Remulla na matigil na ang operasyon ng POGO sa bansa. Gayunman, hanggat ligal na pinapayagan sa Pilipinas ang operasyon ng POGO, kinakailangan aniya ito igalang ng DOJ.
Plano ng kalihim na makipagdiyalogo na lamang sa PAGCOR hinggil sa ibinibigay na permits sa mga POGO.
Kailangan din aniyang pag-aralan ang kaso sa ‘cultural perspective’ dahil ang kultura aniya ng mga tsino ay mistulang walang pagpapahalaga sa karapatan pantao.
Ipinaliwanag ng kalihim na sa kultura ng mga tsino, hindi masama na gawing katulong ang isang tao bilang pambayad utang. Sa Pilipinas aniya itinuturing ito na human trafficking na may katapat na parusa sa batas ng bansa. Teresa Tavares