MANILA, Philippines – Sisimulan na sa Abril ang pagpapatupad ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR), ayon kay Metro Manila Council (MMC) head at San Juan City Mayor Francis Zamora nitong Miyerkules, Pebrero 1.
“Within April, realistic ‘yan. Like what I’ve mentioned earlier, after today, it has been approved already. Aandar na ‘yung proseso natin,” pahayag ni Zamora.
Matatandaan na inaprubahan ng MMC ang Metro Manila Traffic Code na gagamitin para sa single ticketing system sa NCR.
Dahil dito, kailangan amyendahan ng mga LGU na kasama rito ang kani-kanilang mga ordinansa na may kinalaman sa mga polisiya sa trapiko hanggang Marso 15.
Layon ng single ticketing system na magkaroon ng iisang polisiya para sa mga traffic violations at penalty system sa rehiyon, o ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at Pateros.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, ang ahensya nila ang sasagot sa mga gastusin para sa mga kagamitan na kakailanganin sa bagong sistema. RNT/JGC