Home OPINION SINISILIP NG OMBUDSMAN ANG CHOCOLATE HILLS RESORT

SINISILIP NG OMBUDSMAN ANG CHOCOLATE HILLS RESORT

HOORAY! Salamat na rin kay Ombudsman Samuel Martires sa pag-iimbestiga sa miserableng pagkasira ng Chocolate Hills sa Bohol.

Kahit paano, umaalingasaw sa kawalang pakialam bilang Pilipino kung paanong ilang indibiduwal o grupo ang buong kapal ng mukhang nagtayo ng Captain’s Peak Garden and Resort sa pusod ng isang UNESCO World Heritage Site.

Malaking Insulto ito sa yamang pangkalikasan ng ating bansa at pagpapakita ng kawalang alam sa kahalagahan ng pangangalaga sa ating environmental heritage!

Para kay House Minority Leader Erwin Tulfo, ang ganoong lakas-loob na pagtatayo ng resorts sa isang protektadong lugar ay nangangamoy-kapabayaan at katiwalian sa parehong lokal at pambansang antas.

Para sa University of the Philippines Professor at environmental law expert na si Dan Gatmaitan, ang National Integrated Protected Areas Systems Act ay malinaw na patunay na protektado ang lugar.

Batay sa ‘legal framework’ na ito, tanging “bragging rights” ang mayroon ang sinomang may hawak na titulo ng lupa sa bahaging nasasaklawan ng Chocolate Hills, dahil maliwanag namang hindi maaaring gamitin ang lupang iyon.

Sa NIPAS Act, gobyerno ang pangunahing tagapagpatupad ng batas na nagbabawal sa anomang gawaing komersyal sa lugar. Kaya naman ang pagkakaroon ng swimming pool sa paanan ng mumunting bundok na ito ay malinaw na paalala na may mga pag-abusong nakalulusot, binigyang-daan ng pagsasabwatan ng mga pinagkatiwalaang pangalagaan ang ating mga likas na yaman.

Ang Chocolate Hills ay patunay ng geological marvels ng ating bansa, pero ngayon, saksi na lamang ang mga ito sa hindi matapos-tapos na pagkagahaman ng iilan. Hindi lamang ito simpleng paglabag; pagtataksil ito sa pamana ng ating lahi, at dapat lang na managot, sa bisa ng buong puwersa ng batas, ang mga responsable sa isyu.

                                 Water management, please!

Dahil El Niño ang pinag-uusapan, isang magandang balita na ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila ay pananatilihin sa 50 cubic meters per second, importante ito para makaagapay sa pangangailangan ng napakalaking populasyon ng kabisera.

Nakatutuwa ring marinig na ang mga pagsisikap, gaya ng pressure management at pagsasagawa ng cloud seeding operations, ay sumasalamin sa proactive measures na makababawas sa epekto ng ‘climate patterns’ ng matinding tagtuyot pagdating sa agrikultura at pagkukuhanan ng tubig.

Ang bumababang antas ng tubig sa Angat Dam ay nagbigay-diin sa agarang pangangailangan sa tuloy-tuloy na monitoring at pagpaplano para matugunan ang magiging problema.

Gayunman, may natatanaw na pag-asa sa inaantabayanang posibilidad ng La Niña, ayon sa state weather bureau. Pero ang mas malakas na pag-ulan na idudulot nito ay dapat na maging kapaki-pakinabang para sa ating mga dam — isang bagay na hindi maaaring planuhin.

Ang tanging magagawa natin ay laging iparating ang ating mga hinaing upang masigurong nagpapatupad ang gobyerno ng epektibong pangangasiwa at pagpaplano, na importante sa pagtugon sa nakapipinsalang epekto ng El Niño at La Niña. Ngayon pa lang, ang mas mahabang tagtuyot ay nauwi na sa pagkalugi sa mga pananim, na umabot na sa P1.75 bilyon.

                                                   *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

Previous articleKASAMBAHAY SA CENTRAL LUZON TATANGGAP NG MAS MATAAS NA SAHOD
Next articleNAKAPAGTATAKA