Home OPINION SINO ANG MAKIKINABANG?

SINO ANG MAKIKINABANG?

GUGUNITAIN sa Linggo, February 25, 2024, ang ika-38 anibersaryo ng People Power o EDSA revolution. Hindi ko na dedebatihin kung rebolusyon nga ang nangyari o hindi. Ang importante ay napakalaki nang pagbabagong nangyari ng ilang araw na ‘yon sa isang malapad na kalsada sa gitnang Kamaynilaan kung saan ipinakita ng mga Pilipino ang kakaibang kabayihan.

Hindi na opisyal na holiday ang People Power anibersari. Well, ang sabi ay pumatak naman daw kasi nang linggo, walang pasok. Hindi na rin nabigla ang marami rito dahil nga naman asahan na natin mamaliitin ng pamilyang Marcos ang kahalagahan ng makasaysayan kaganapan kung saan napatalsik ang pamilya nila.

Huwag tayong magkakamali. Ang nangyari noong 1986 ay kasaysayan. History. Mga totoong nangyari na nabalita at naidokumento hindi lang sa Pilipinas. Historical facts, ika nga. Alam ng buong mundo ang dahilan at ang resulta. Pagkatapos nga ng People Power dito sa bansa, sumunod ang mga kahalintulad na pangyayari sa pagbagsak ng Berlin Wall, ang pag-aalsa sa Romania at naging inspirasyon din ng Arab Spring.

‘Yun nga lang, parang napakaikli talaga ng alaala ng mga Pilipino at mukha ngang sadya tayong mapagpatawad. O kaya naman ay nabulag at nabingi na lang ang mas maraming mga kababayan natin dahil na rin sa kahirapan at sobrang pananalig sa mga pulitiko kung kaya nakabalik ang mga pinatalsik noon.

Hindi na nga pista-opisyal ang People Power anibersari, pero hindi nababawasan ang kahalagahan ng mga aral nito. Kung talagang pangarap pa rin natin ang tunay na kaunlaran at kalayaan para sa bansa natin, sisikapin natin na hindi mabura sa ating mga isipan kung ano ang tunay na kahulugan ng People Power.

Sa gitna ng mga panawagan at pagtutulak na baguhin ang Saligang Batas na iniluwal ng People Power, mas kailangan natin ngayon ang talas ng pag-iisip at lalim ng pang-unawa kung para kaninong benepisyo ang pag-amendya ng Konstitusyon. Sa gitna nang ingay at awayan ng mga mamababatas, kailangan ng tahimik na pag-iisip at mataimtim na pagdarasal, tulad ng ginawa natin noong 1986. Sino ba talaga ang makikinabang kapag binago ang mga prinsipyo at esensya ng Saligang Batas natin?

Sino ba ang makikinabang kapag kinalimutan ang People Power?

Previous articlePRO3 NEW ANTI-CRIMINALITY STRATEGY
Next articleDOKTOR: DAPAT BANG MARAMI O KOKONTI?