Home METRO Small scale miner, kalaboso sa kasong murder!

Small scale miner, kalaboso sa kasong murder!

MANILA, Philippines- Dahil sa ninong ng isang small scale miner ay nadakip ang huli makaraang madiskubre ang ginawa nitong pagpatay at paghulog sa mining hole sa kanyang biyenang babae sa Buenavista, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Anastacia Buenafe y Mejaro, 50, hiwalay sa asawa, farmer, naninirahan sa Sitio Taluto, Barangay Cadlit ng nabanggit na lugar.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Buenavista Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong murder na kinilalang si Deymar Loresca Abrincillo, 38, may asawa, small scale miner,r esidente ng Barangay Cadlit ng nabanggit na lalawigan.

Batay sa report ng Buenavista PNP, nagtungo umano ang ninong ng suspek sa himpilan ng pulisya para ipagbigay-alam ang ginawang krimen ng inaanak nito (suspek), kung saan umamin ang suspek sa kanyang ninong hinggil sa ginawa nitong pagpatay.

Napag-alaman na matapos maaresto ang suspek ay inamin nito ang ginawang pagpatay sa biktima sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang isang nylon cord. Bukod dito ay itinuro nito kung saan nito inihulog ang biktima– sa isang mining hole sa bulubunduking bahagi ng naturang lugar .

Ayon sa salaysay ng suspek, nang magkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang suspek at kanyang biyenan (biktima) noong nakalipas na Miyerkules. humantong ito sa pagpatay ng una sa huli.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Quezon Police Provincial Office sa pamumuno ni PCOL Ledon D Monte kasabay ang pangako na gagawin ang lahat para makamit ng biktima ang hustiya. Ellen Apostol

Previous articleAbalos sa LGUs: Paggamit ng bisikleta vs masikip na daloy ng trapiko, isulong
Next article3 pulis-Caraga, positibo sa drug test!