Home OPINION SMALL SCALE MINING I-REGULATE NA

SMALL SCALE MINING I-REGULATE NA

HINDI pa rin umuusad ang rebisyon ng batas hinggil sa ligalisasyon ng small scale mining sa bansa sa kabila nang kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na bigyan ito nang prayoridad upang malayang makapaghanap-buhay ang milyon-milyong maliliit na mga minero.

Bagaman kaliwa’t kanang konsultasyon ang isinasagawa ng Mines and Geosciences Bureau patungkol sa pag-amyenda ng RA 7076 o People’s Small Scale Mining Act of 1991 subalit wala pa ring malinaw na hakbang ang gobyerno para largahan ang operasyon ng pagmiminang ito ilang dekada na ring ikinabubuhay ng mga pobreng minero.

Kaya naman mistulang mga basang sisiw ang grupong itong madalas hinahabol ng mga awtoridad bunsod sa wala na ngang lugar na ibinibigay sa kanila ang lokal na pamahalaan upang mapagminahan, pinuputakte pa ng mga kotongerong opisyal kapag nabibigyan ng tsansang makapag-operate.

Kagaya na lang nang pagkuha ng permiso sa paggamit ng pampasabog sa mga minahan na sadyang ipinagbabawal nga naman ng batas ngunit pinahihintulutan naman ng awtoridad kapag nakapagbibigay ang minero ng sandamakmak na kwarta sa mga buwayang opisyal.

Subalit hindi naman sila nakapanghuthot bunsod sa ligal daw ito at may kaukulang permiso mula sa pamahalaan at nagbabayad daw ng buwis.

Ang hindi alam ng karamihan na ang mga lugar na may “open pit” na pagmimina ang kadalasan may mga malawakang pagbaha at iba pang mala-delubyong kalamidad dahil sa pagkawasak ng kagubatan at pagguho ng kabundukan.

At hindi rin naman sapat ang ibinibigay na ‘livelihood’ na mga kompanyang nakikinabang sa milyon-milyong mga minerong pinalayas sa pinagmiminahan na ngayon ng large scale mining.

Sa madaling sabi, kailangan seryosohin ng gobyerno ang pagsusulong ng mga alituntunin sa small scale mining upang matuldukan na rin ang animo’y sindikatong kalagayan ng mga pobreng minerong madalas hinahabol ng awtoridad.

Previous articlePAGLUBOG NG ARAW
Next articleLINDOL NA NAMAN; LIBO-LIBO PATAY