MANILA, Philippines – Inihihirit ng grupo na pinamumunuan ni dating Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio ang isang transparent at kapani-paniwalang sistema para sa 2025 midterm elections.
Kasabay nito, nais nilang ipadiskwalipika ang tech provider na Smartmatic para sa mga di-umano’y iregularidad sa mga pangkalahatang botohan, taon na ang nakakaraan.
“Ang immediate action ay ma-disqualify, hindi natin magagamit ang Smartmatic sa future elections natin. Yun ay pwedeng magawa kaagad,” ani Rio sa isang pahayag.
Noong Hunyo, isa si Rio sa tatlong petitioner na humiling sa Commission on Elections (Comelec) na suriin ang mga kwalipikasyon ng Smartmatic.
Binanggit sa kanilang petisyon ang mga naiulat na iregularidad sa pagitan ng transmission logs at reception logs ng election returns mula sa antas ng presinto hanggang sa transparency server ng Comelec.
Ang People’s Movement for Truth, Justice, and Reforms, Kontra Daya at ang Computer Professionals’ Union ay ganito rin ang sintemyento.
Nanawagan din sila para sa isang hybrid na halalan — manu-manong pagboto at pagbibilang sa antas ng presinto, automated transmission — upang matiyak ang transparency.
Nauna nang sinabi ng poll body na gagamit ito ng bagong automated election system sa 2025, at tatanggalin ang mahigit 90,000 vote counting machine na binili mula sa Smartmatic.
Sa panawagang i-disqualify ang Smartmatic, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ire-refer ng poll body ang petisyon sa law department nito.
“Wala pong law on hybrid as of now,” aniya. “Pero mas maganda ang ginawa namin, na gawin ang Fastrac na isinama ang lahat ng feature sa transparency audit at count po.” RNT