BINITBIT sa kulungan ang isang lalaking umagaw sa cellphone ng 64-anyos na lola nang makahingi ng tulong ang biktima sa pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat, dakong ala-1:30 ng hapon nang hablutin ng suspek na si Rodel Dela Pena ang cellphone ng biktimang si Maria Paz Guevarra, residente ng Manapat St. Brgy. Tañong, sa Leono St., saka mabilis na tumakas.
Kaagad namang nakahingi ng tulong ang biktima kina P/SSg Willie Castro at Pat. Mark Riven Quirona na nakatalagang nagbabantay sa polling center ng Tañong Integrated School kaugnay sa Barangay at SK Election kaya’t nahabol nila ang suspek hanggang sa makorner.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nabawi sa snatcher ang tinangay na cellphone na nagkakahalaga ng mahigit P9,000, pati na ang dalang patalim na ipinanakot niya sa lolang biniktima.
Iprinisinta na ni P/SSg Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, sa Malabon City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceeding kaugnay sa kasong robbery snatching at paglabag sa BP-6 o illegal possession of deadly weapon in relation to Omnibuos Election Code na isinampa laban sa kanya. (Boysan Buenaventura)