Home HOME BANNER STORY Sobrang tutok sa gadget nagpapataba, nagpapabagal sa brain development ng bata –...

Sobrang tutok sa gadget nagpapataba, nagpapabagal sa brain development ng bata – eksperto

MANILA, Philippines — Nakita sa isang pag-aaral na nagreresulta sa pagiging overweight, na isang uri ng malnutrisyon, ang sobrang pagkatutok ng mga kabataan sa paggamit ng gadgets.

Lumabas sa datos mula sa Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) noong 2022 na nasa 16.1 porsiyento ng mga batang may edad na 6 hanggang 12 taong gulang ay sobra sa timbang at napakataba.

Samantala, 11.7 porsiyento ng mga kabataan na may edad 13 hanggang 19 at 44.4 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na may edad 20 hanggang 59 ay may parehong kondisyon.

“Anong ibig sabihin noon? Pag tanda nila, by 30, iyong mga overweight may high blood, diabetes,” ani Department of Health Secretary Ted Herbosa.

Samantala, sinabi ni Dr. Michelle Sy ng Child Neurology Society of the Philippines na ang sobrang screen time ay maaaring magdulot ng mabagal na brain development.

“‘Pag matagal na paggamit ng screen time at may napakabilis na pagbabago sa screen o pagbabago ng imahe, tinuturuan nito ang utak na umasa ng mas mataas na antas ng stimulation at humahantong sa kawalan ng pansin. Inaalis din nito sa mga bata ang mga karanasang kailangan nila para matuto, para sa tamang paglaki ng utak,” dagdag pa ni Sy sa isang forum ng DOH noong Pebrero 14, kasabay ng Intellectual Disability Week.

“Kasi hindi nila nagagamit iyong mga areas na kailangan mag-develop because they’re so passive in watching the screen. Ito iyong nagiging problema in the recent period,” paliwanag pa niya.

Samantala, inilarawan naman ni Dr. Cynthia Cuayo-Juico, pediatrician at fellow ng Philippine Pediatric Society, ang kasalukuyang sitwasyon bilang “super alarming” dahil naging tamad at hindi aktibo ang mga bata. Kinakalawang din ang kanilang social skills dahil umaasa sila sa teknolohiya.

“Ang advocacy dapat, nasa mga magulang tayo, sa mga lolo at lola, sa teachers. Ipagbawal natin ang too much gadget. Hindi ko naman sinasabing itapon,” paalala pa niya. RNT

Previous articleP14.2M multa nakolekta sa mga nahuling kolorum nitong Pebrero
Next articlePrograma para sa solo parents sinimulan na ng DSWD