Home NATIONWIDE Social pension ibigay sa lahat ng senior, ‘di lang sa mahihirap –...

Social pension ibigay sa lahat ng senior, ‘di lang sa mahihirap – solon

MANILA, Philippines – Lahat ng senior citizens at hindi lang ang mga indigent ang dapat makatanggap ng P1,000 dagdag sa buwanang social pension, ayon kay United Senior Citizens partylist Rep. Milagros Magsaysay.

Ang pahayag ay ginawa ni Magsaysay sa harap ng pahayag ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) na ang mga senior citizens na may sakit at walang kakayahang suportahan ang kanilang sarili ang kuwalipikado sa dagdag na pension sa ilalim ng Republic Act 11916.

“Universal na sana, lahat na ng seniors makakatanggap,” pahayag ni Magsaysay na nagsusulong na maipasa ang Universal Social Pension bill upang lahat ng 11 million senior citizens sa bansa ay makikinabang.

Ani Magsaysay, nasa P60 million alokasyon ang inihanda ng Kamara sa oras na maipasa ang Universal Social Pension Bill.

“Nag-usap naman kami ni Speaker Martin Romualdez, at mayroon naman nang pondo na nakita ang appropriations committee, so I hope naman na ma-push through na ito kasi ito talaga ang clamor ng lahat ng senior citizens,” giit ni Magsaysay.

Samantala, umaasa si Magsaysay na maisasabatas na ang panukala na nagsusulong na mabigyan ng P10,000 cash gift ang mga senior na tutuntong sa edad na 80, 85, 90 at 95.

Sa ilalim kasi ng Centenarians Act ang mga tutuntong sa edad na 100 ang siya lamang makakatanggap ng P100,000 cash gift.

“At least, they’re looking forward to receive something whether it’s the age of 80, 85, 90, 95 kaysa wala. Kaysa hintayin nilang mag-100 sila which is bibihira na ang makarating na makatanggap pa. So okay naman, at least, maski 10,000 lang ay mayroon silang hinihintay,” ani Magsaysay.

Ang nasabing panukala ay aprubado na sa Kamara at Senado at naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Bongbong Marcos. Gail Mendoza

Previous articleKauna-unahang Madrasah graduation ng BJMP idinaos sa Zamboanga City jail
Next articleBOC kumpiyansa sa pag-abot sa P959B collection target