Home NATIONWIDE ‘Socorro cult’ leader kayang magpahinto ng ulan – ex-member

‘Socorro cult’ leader kayang magpahinto ng ulan – ex-member

MANILA, Philippines – Inihayag ng dating miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na kaya umanong magpahinto ng ulan at magpaawit ng ibon ang lider ng kulto na si Jey Rence “Senior Agila” Quilario.

Sinabi ito ng dating guro at ex-member ng SBSI na si Regin Raiza Guma nitong Huwebes, Setyembre 28, kasabay ng pagdinig sa Senado kaugnay sa mala-kulto umanong aktibidad ng grupo.

Inalala ni Guma kung paanong sumigaw si Quilario at sinabing “let the bird sing!” at biglang kumanta ang ibon.

Sinabi rin niya na may pagkakataon din umano na malakas ang ulan at isinigaw lamang ni Quilario na “let the rain stop!” at huminto ang ulan.

Ani Guma, naging diehard believer siya ni Quilario dahil sa mga kapangyarihan umanong ito.

“Noon ‘yun. Noong sobrang diehard ako, kaya nga tumigil po ako sa pagtuturo,” ani Guma.

Umalis siya sa grupo noong Hunyo 2022.

Maliban sa umano’y pagpapahinto sa ulan at pagpapakanta sa mga ibon, sinabi rin ni Guma na kaya ni Quilario na, “can change and contort his voice into different persons.”

“Ang cousin ko ay nagkasakit siya at dinala sa hospital. Biglang dumating din si si Jey Rence Quilario. Pag dating niya sa ospital ay pabago-bago ang boses niya,” paghahayag pa niya.

Nang tanungin si Quilario kung totoo ang mga bagay na ito, sinabi niya na “that is not true.”

Sa pagdinig, sinabi ni Senador Ronald Dela Rosa at Risa Hontiveros si Guma kung bakit siya naakit na sumali sa SBSI.

“Pinapangakuan po kami ng langit. Kapag po kami ay makasunod sa kanya, lahat po kami ay mapupunta ng langit. Ang hindi sumunod sa Kapihan ay mapupunta sa impyerno,” ayon kay Guma. RNT/JGC

Previous articleTrak na may kargang coconut oil, nasunog sa SLEX
Next articleCommitment ng DFA vs marine pollution, pinagtibay