Home NATIONWIDE Socorro cult scandal: Tinedyer ginagahasa ‘para makarating sa langit’

Socorro cult scandal: Tinedyer ginagahasa ‘para makarating sa langit’

MANILA, Philippines- Pinipilit magpakasal at makipagtalik ang mga menor-de-edad na miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa mas may edad na partner sa pagsasabing daan nila ito “para makarating sa langit.”

Ang sistemang ito ay kautusan umano ni “Senior Agila” na ang tunay na pangalan ay Jey Rence Quilario, pinuno ng “kulto” na nakabase sa Surigao del Norte, ayon sa isang 15-anyos na dating miyembro sa pagharap niya sa pagdinig ng Senado.

Naaalala ni Jane (hindi niya tunay na pangalan) na ikinuwento sa harap Senate panel probe kahapon na pinagdaanan niya ito noong nakaraang taon.

Sa edad na 14, sinabi niya na pinilit siyang ipakasal at sumiping sa isang 18-anyos na lalaki na hindi niya kilala.

Sinabi ni Jane na si Quilario ang nagpares sa kanila.

Ani Jane, ang kanilang community secretary ang gumagawa ng listahan ng mga single na miyembrong babae na 12 taong gulang at mga lalaki na hindi bababa sa 18. Mula sa listahan, pipiliin ni Quilario ang “pares na inaprubahan ng diyos.”

Sa tulong ng legal counsel-translator na si Ruth Restauro, ipinaliwanag ng Bisaya-speaking na dalagita na: “Si Senior Aguila ang nagpapares na ikaw paired ka dito. Hindi pwedeng humindi dahil diyos daw ang nagsasabi na ‘yun ang pares.”

Ibinunyag pa ni Jane sa public hearing na hinihiling ni Quilario na ang bawat miyembro ay magkaroon ng partner at makipagtalik sa partner na iyon pagkatapos ng kasal dahil ito ay isa sa mga batas ng SBSI upang magkaroon sila ng lugar sa langit.

“After sa kasal kailangan sila magsiping sabi daw ni Jay Rence. [Sabi sa lalake] authorized [sya] kunin or i-rape ‘yong wife dahil [mag-asawa] naman kayo. Kailangan makuha sila in three days otherwise they will be called na nag ‘adios’,” sabi ni Jane sa wikang Bisaya na isinalin sa Tagalog ng abogado

Inihayg pa ni Jane na inihahalintulad ni Quilario ang Sitio Kapihan – isang uri ng isang enclave kung saan nakatira ang mga miyembro ng kulto – sa arko ni Noah kung saan ang mga dapat pumasok na nilalang o hayop ay magkapares.

Tinanong ni Senator Risa Hontiveros ang dalaga kung ano ang nangyayari sa isang miyembro ng SBSI na gumagawa ng “adios.” Sinabi ni Jane na pinapatawan sila ng iba’t ibang parusa, depende sa utos ni Quilario. Maaaring kabilang sa mga parusa ang paghampas ng sagwan o pagkulong sa kanila sa tinatawag na fox hole, bukod sa iba pa.

Sinabi ni Jane na iniikot ni Quilario ang isang roulette ng mga parusa upang dito matukoy kung ano ang ipapataw sa mga pasaway o hindi sumusunod na miyembro.

Kaugnay nito, iniutos ng Senado na idetine ang apat na pinuno ng SBSI dahil sa pagsisinungaling.

Ang mga ipinakukulong na SBSI leaders ay sina Jey Rence “Senior Agila” Quilario at Mamerto Galanida, Janeth Ajoc, at Karren Sanico Jr.

Walang tumutol na senador kaya pinagtibay ni Sen. Ronald Dela Rosa, chairman ng public order panel, ang mosyon. Inatasan ang Senate sergeant-at-arms na bantayan ang apat na SBSI leaders. RNT

Previous articleBiyahe sa LRT-1 daragdagan
Next articleSecurity guard patay sa barilan sa Caloocan