MANILA, Philippines – Hindi na umano kailangan ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality (SOGIE) Bill na kasalukuyang isinusulong sa Kongreso.
Ito ang sinabi ng constitutional law expert na si dating University of the Philippines College of Law dean Pacifico Agabin, dahil sa salik ng Saligang Batas na “equal protection clause” kung saan sa ilalim nito ay ipinagbabawal na ang diskriminasyon batay sa kasarian at sexual orientation.
Ayon kay Agabin, sa ilalim din ng Universal Declaration of Human Rights ay bawal naman talaga ang diskriminasyon base sa mga nabanggit na aspeto.
Sa jurisprudence din ng Korte Suprema, bawal din ang diskriminasyon, kung kaya’t ang mga nasabing pangangalaga sa karapatan ay dahilan para hindi na maging masyadong kailangan pa ang SOGIE bill.
Ani Agabin, kung sakali, ang kailangan na lamang ay ang pagpapatupad ng parusa laban sa diskriminasyon na ngayon ay hindi nagagawa.
Dagdag pa, kailangan din ng implementing statute sa probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal sa diskriminasyon kasabay ang implementing law kung saan pwedeng ipasok ang SOGIE para magpataw ng parusa laban sa lalabag dito.
Kinontra naman ito ni House committee on women and gender equality chair Geraldin Roman, na nagsabing walang sapat na enabling law na pumuprotekta sa LGBTQ+ laban sa diskriminasyon.
Sa ilalim kasi ng SOGIE bill, kung mapatutunayan na nagsagawa ng diskriminasyon ang isang tao ay maaari itong maparusahan ng hanggang P1 milyon na multa at pagkakulong ng anim hanggang 10 taon. RNT/JGC