
IBA’T -IBANG paraan ang ginagawa ng gobyerno ngayon upang tugunan ang lumalalang krisis sa tubig na isa nang pandaigdigang suliranin.
Kabilang dito ang pagpapagawa ng Department of Public Works and Highways ng Solar Powered Pumps sa kanayunan na nakararanas na rin ng problema sa mapagkukuhanan ng inuming tubig na itinuturing pa rin na pangunahing pangangailangan ng bawat isa.
Sabi nga ng mga kababayan natin,hindi baleng walang kuryente dahil makapagluluto naman gamit ang kahoy o kaya uling basta meron lang tubig.
Mula nang umupo si Pangulong Bongbong Marcos sa Malakanyang,isa sa mga adbokasiya nito ang paggamit ng renewable energy bilang pangunahing tugon sa kakulangan ng kuryente sa bansa na umaasa na lang sa mga power supplier gamit ang mga dambuhalang makinang pinaaandar ng krudo.
Dito rin nagsulputan ang solar powered pumps sa mga liblib na lugar na pinakikinabangan na ngayon ng taumbayang karamihan ay kumukuha na inuming tubig sa mga balon at ilog na delikado naman sa kalusugan ng mamamayan.
Halimbawa,malaking tulong sa mga Bikolano ang ipinagagawa na imbakan ng tubig sa mga barangay sa pamamagitan ng mga water pump na pinapondohan ni AKO Bikol Partylist Rep.Elizalde Co na siya ring chairman ng Committee on Appropriation.
Hindi alam sa Kabikolan na marami nang tangke at Solar Powered Pumps na ipinagawa ang gobyerno sa inisyatibo ng AKO Bikol,lalo na sa malalayong lugar na malaking ginhawa naman sa mga residente rito na matagal ding sumasalok ng tubig sa balon upang magamit na pangluto at iba pa.
Alam n’yo bang isa sa indikasyon kung bakit marami pa rin ang mahihirap na pamilya rito ay kawalan ng ‘access’ sa ‘potable water’ batay naman sa pinakahuling pag-aaral na inilabas ng “Listahanan 3” na isinagawa naman ng Department of Social Welfare and Development?
Sa totoo lang,hindi lang ang kalunsuran ang humarap ngayon ng krisis sa tubig kundi ang inaakala ng lahat na nakatira sa kabundukang sagana sana sa malinis na inumin subalit marumi na rin bunsod sa basura at duming ikinakalat ng mga iresponsableng residente rito na sanhi ng polusyon sa mga ilog.
Sa madaling sabi,tubig pa rin ang kinakaharap na malaking problema ngayon ng sambayanan na kailangan mapagkaisahan ng pamahalaan kung paano mabigyan ng solusyon.