MANILA, Philippines – Ipinanawagan ni OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa gobyerno ang parusa at legal na aksyon laban sa recruitment agency ng walong repatriated overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Riyadh, Saudi Arabia.
“We should pursue appropriate legal actions or administrative sanctions against the recruitment agency here in the Philippines that disregarded the welfare of our kababayan. Responsibilidad nilang pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawang ipinapadala nila sa ibang bansa,” sabi ni Magsino.
Sinabi niya na ang mga kontrata ng walong OFW ay iligal na tinapos noong Nobyembre 2022 o 18 buwan matapos silang gamitin ng kanilang kumpanya bilang tagapaglinis sa Riyadh.
Hinimok din ni Magisno ang Department of Migrant Workers (DMW) na imbestigahan ang mga pangyayari kaugnay ng pagtatapos ng kontrata ng walong repatriated OFWs.
Nalaman niya na habang ang kanilang kumpanya ay nagbibigay ng tirahan, ang mga stranded na OFW ay walang kita para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pagkain sa loob ng anim na buwan.
“Hindi katanggap-tanggap na ang ating mga OFW ay hindi lamang maling na-terminate, ngunit iniwan din para sa kanilang sarili habang na-stranded sa loob ng anim na buwan,” sabi ni Magsino, na personal na sumalubong sa walong OFW mula sa Riyadh sa Ninoy Aquino International Airport noong Lunes.
Nakipag-coordinate si Magsino sa DMW, Migrant Workers Office sa Riyadh at Overseas Workers Welfare Administration para sa repatriation ng walong OFWs.
Sinabi niya na hindi na dapat payagang kumuha ng mga manggagawang Pilipino ang nagkakamali na dayuhang kumpanya. RNT