MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Health at ang lokal na pamahalaan ng Nabas, Aklan sa matagumpay na groundbreaking ng Super Health Center ng bayan sa Barangay Poblacion noong Biyernes, Setyembre 1.
Idinisenyo ang mga Super Health Center upang tumugon sa pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit lalo na sa mga komunidad sa kanayunan.
Makakatulong din ito sa pag-decongest ng mga ospital, ayon kay Go na patuloy na nagsusulong nito sa mga estratehikong lugar sa buong bansa sa pakikipag-ugnayan sa DOH.
Ang groundbreaking ng SHC sa bayan ng Nabas ay dinaluhan nina Congressman Ted “Nonong” Haresco, Vice Mayor James Solanoy, at Councilor Leovilyn Dela Torre.
“Maraming salamat po Senator Bong Go sa pagbigay mo ng Super Health Center sa ating bayan na Nabas. Makatutulong po ito sa mga constituent po namin dito sa Nabas at tsaka di lang po Nabas ang ma-cater nito, pati po ibang karatig bayan,” sabi ni Vice Mayor Solanoy.
“Talagang tunay na ikaw ang Mr. Malasakit. Maraming maraming salamat, mula pa noong Typhoon Ursula, panahon ng COVID, at kahit ngayon, nandyan po ang inyong pagbibigay ng tunay na serbisyo. Kaya po mahal kayo ng bayan, lalung-lalo na po mahal kayo ng Aklan. Kaya number one kayo sa puso namin, sa isip namin… number one po kayo, I believe, sa buong Pilipinas na binibigyan mo ng pagmamahal at pagseserbisyo,” ayon naman kay Cong. Haresco.
Sa kanyang video message, binigyang-diin ni Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang napakahalagang papel ng naturang mga pasilidad kasabay ng taos-pusong pasasalamat sa lokal na pamahalaan ng Nabas, Aklan.
Aniya, ang matagumpay na pagtatayo ng mga Super Health Center ay nagpapakita ng dedikasyon ng pamahalaan na dalhin at mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan. Layunin nitong tiyakin na hindi na kailangang maglakbay nang malayo para makakuha lang ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Magsisilbing hub ang Super Health Center para sa iba’t ibang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit.
Mayroon din itong serbisyo sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT); mga sentro ng oncology; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine. Maaari din itong gamitin bilang satellite vaccination site para sa mga naninirahang malayong sa mga urban center.
Ang iba pang itatayong Super Health Center sa Aklan ay sa Tangalan, Kalibo, Ibajay, Balete, Batan, Malay, New Washington, at Numancia.
Muling iginiit ni Go na magpapatuloy siya sa pagsusulong na lalo pang pahusayin ang sektor ng kalusugan sa bansa. Binanggit niya na maging ang Malasakit Centers at Regional Specialty Centers ay mahalagang bahagi ng diskarte ng pamahalaan sa pangangalagang pangkalusugan.
Pinabibilis ng programang Malasakit Center ang pagbibigay ng tulong medikal para sa mga mahihirap na pasyente.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11463 na pangunahing iniakda at itinaguyod ni Go, bawat ospital na pinatatakbo ng DOH, kasama ang Philippine General Hospital sa Lungsod ng Maynila, ay inatasang magkaroon ng Malasakit Center. Ang ibang pampublikong ospital ay maaari ding magkaroon ng Malasakit Center basta natitiyak na natutugunan nila ang mga pamantayang itinakda ng batas.
Mayroon na ngayong 158 operational Malasakit centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit pitong milyong Pilipino, ayon sa datos ng DOH. RNT