MANILA, Philippines – Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang special polls sa ikatlong legislative district ng Negros Oriental sa ikalawang linggo ng Disyembre.
Sa mensahe sa Viber, kinumpirma ni Comelec chairperson George Erwin Garcia ang iskedyul kasunod ng panawagan ng House of Representatives na punan ang bakanteng upuan ni dating Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
“Ang espesyal na halalan sa Negros Oriental ay sa Disyembre 9, 2023,” ani Garcia.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco sa Philippine News Agency na maglalaan sila ng humigit-kumulang P75 milyon na badyet para sa mga espesyal na botohan.
“Gagawan po ng paraan ng Comelec mula sa remaining funds po namin muna,” aniya pa.
Ayon sa Comelec Resolution No. 10945, may tatlong araw ang mga naghahangad na kandidato para sa puwesto para maghain ng kanilang certificate of candidacy mula Nob. 6 hanggang 8.
Magsisimula ang special election period at ang gun ban mula Nob. 9 hanggang Dis. 24.
Nauna nang ibinunyag ni Garcia ang target ng poll body na simulan ang pag-imprenta ng mga balota para sa espesyal na halalan bago matapos ang Setyembre.
Mayroong 301,264 na rehistradong botante sa Negros Oriental na sumasaklaw sa mga lugar ng Bacong, Basay, Dauin, Sta. Catalina, Siaton, Valencia, Zamboanguita at Bayawan City. RNT