Home NATIONWIDE Special law vs road rage incident, lilikhain ni Zubiri

Special law vs road rage incident, lilikhain ni Zubiri

317
0

MANILA, Philippines- Inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nakatakdang lumikha ang Senado ng special law laban sa “maiinit” ang ulo sa lansangan tulad ng viral video ng isang dinismis na pulis na nanutok ng baril sa isang siklista sa isang road rage sa Quezon City kamakailan.

Kasabay nito, ipinasasama naman ni Senador Alan Peter Cayetano ang isang probisyon sa panukala na kaligtasan ng lahat ng mamamayan sa lansangan at matiyak na ligtas na makagagamit ng bike lane ang mga siklista.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, sinabi ni Zubiri na kailangang magkaroon ng special law laban sa road rage tulad ng Anti-Hazing Act.

“Very important po sa atin dito na malaman kung ano ang mga hakbang na puwede natin gawin na hindi po maulit itong road rage na ito, lalo na to our motorcyclists and to our cyclists and to anyone in the riding public in general,” ayon kay Zubiri sa hearing.

“What we need to do is to come up with policy, and possibly a special law that will be against road rage on its own, We can come up with a special law na tungo sa road rage mismo para sa ganon, maski na po natatakot ‘yung naagrabyado na magfile ng kaso, it becomes People of the Republic of the Philippines vs. so and so,” giit pa ni Zubiri.

Kasabay nito, nanawagan naman si Cayetano ng integridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng Filipino sa lansangan.

Sa pagdinig, sinabi ni Cayetano na pawang nakalulungkot na kailangang magkaroon muna ng ganitong pangyayari bago makahanap ng solusyon.

“Safety is very simple and very basic that our countrymen need on the street,” aniya.

“Hopefully this crisis will lead to some good and I am begging the House of Representatives to look into it, and maybe it can also be included in the legislative agenda of the President because safety is the major issue of our parents,” giit pa ng senador.

Nanawagan din si Cayetano sa gun owners na magkaroon ng integridad sa pagmamay-ari ng baril na hindi gagamitin nang basta-basta tulad ng nangyari sa August 8 road rage sa Quezon City na kinasasangkutan ng isang nadismis na pulis at isang siklista.

Sa viral video, pinagmumura Wilfredo Gonzales, nadismis na pulis, ang siklista na sinasabing tumapik sa kanyang kotse saka bumunot ng baril at itinutok kay Allan Bandiola na siklistang dumadaan sa bike lane.

Kapwa dumalo sa pagdinig sina Gonzales at Bandiola.

Ikinatuwiran ni Gonzales na bumunot siya ng baril bilang self-defense na mahigpit na ibinasura ng Senado.

“Ang intention ko po noon, bubunot po ako at nagkasa ng baril dahil pasugod po siya sa akin. Kahit i-review po natin ‘yung, inamin naman niya na susugod po siya,” ayon kay Gonzales.

“Dinepensa ko lang po ang sarili ko at 45 degrees lang po, alam niyo naman po ‘yun. Naka 45 degrees lang po pag gusto lang natin i-disable ‘yung tao if ever susugurin niya ako,” dagdag niya.

Bilang tugon, inamin ni Bandiola na naging agresibo siya kay Gonzales matapos siyang batukan nito na pawang normal na reaksiyon.

“Normal reaction ko po ‘yun kasi binatukan niya ko eh. Bumaba po ako ng bike… kaso lang po inano niya ko ng… bakit niya binatukan eh, puwede naman niya ko kausapin ng maayos,” ayon kay Bandiola.

Nagsampa ang Quezon City Police District (QCPD) ng kasong alarm and scandal laban kay Gonzales sanhi ng insidente pero umayaw si Bandiola na kasuhan ang dating pulis.

Samantala, inihayag naman ni Dela Rosa na puwedeng itaas sa attempted homicide ang kasong isasampa laban kay Gonzales. Pero, mahirap aniyang gumulong ang kaso kapag walang private complainant. Ernie Reyes

Previous article909 PDLs sa Davao Prison ininterbyu para sa executive clemency – BuCor  
Next articlePalasyo dumepensa sa paglipat ng pondo sa OVP

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here