MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Quezon City government na bumuo sila ng special panel of investigators para imbestigahan ang sunog na sumiklab sa Barangay Tandang Sora.
Kaugnay nito titignan ng mga imbestigador ang mga posibleng paglabag at kung may ebidensya, magsasampa ng kaukulang kaso ang local government unit (LGU), ayon sa inilabas na pahayag ng Quezon City.
Magugunitang naganap ang sunog sa Tandang Sora sa isang tatlong palapag na tirahan na ginawang manufacturing building dakong 5:30 ng umaga nitong Huwebes 15 katao kabilang ang isang tatlong taong gulang na bata ang namatay sa insidente.
Ayon sa Department of Building Official (DBO) ng Quezon City, walang building permit ang establisyimento sa ilalim ng pangalan ng may-ari at parehong address.
Samantala, sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) na walang exit mula sa nasunog na bahay sa Tandang Sora.
Nabatid naman sa Quezon City government na ang may-ari ng naturang Negosyo ay nag-misdeclared sa kanyang Negosyo matapos ilihim nito ang tunay na status ng kanyang Negosyo.
“Kalunos-lunos ‘yung nangyaring sunog na hindi mangyayari kung tama sana ang idineklarang negosyo ng korporasyon. Mas hihigpitan pa natin ‘yung proseso at assessment bago makakuha ng permit lalo na para sa mga negosyong nakatayo o itatayo sa loob ng mga subdivision o high-density residential areas,” ani Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Bunsod nito ipinag-utos din ni Belmonte ang mas mahigpit na inspeksyon para sa mga negosyong tumatakbo sa mga subdivision at iba pang residential areas.
“Ang trahedyang ito ay naiwasan sana kung walang palusot at panlilinlang na nangyari. Buhay ang naging kapalit ng hindi tamang pagsunod sa ating mga batas at regulasyon. Hindi natin ito hahayaang maulit,” dagdag pa ni Belmonte.
Kaugnay nito isasampa rin ang mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan na mapatunayang mananagot matapos ang pagsasagawa ng imbestigasyon, sinabi ng Quezon City sa pahayag nito.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection noong Biyernes na sasampahan ng kaso ang mga mananagot sa sunog sa Tandang Sora. Santi Celario