MANILA, Philippines – Hiniling ng Departmenmt of Migrant Workers sa Malacanang na bigyan ng partikular na kapangyarihan ang officer-in-charge nito na pumirma sa mga nakabinbing appointment na naiwan ni dating Migrant Secretary Susan Ople.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Senate Finance Committee hearing sa proposed P15.542 bilyon budget ng DMW para sa 2024 na tinitignan pa ang mga hindi napunan na posisyon.
Aniya, medyo malaki pa sa 60.9% ng manpower nito ay nananatiling unfilled para sa 2023.
Ayon kay Villanueva, ang mga unfilled positions ay pareho lamang noong nakaraang taon at nais aniyang makita kung gumagana ang ating recruitment procedures.
Sa datos ni Villanueva, mayroong 1,279 unfilled positions mula sa 1,785 authorized positions para sa 2024 sa Office of the Secretary, habang mayroong 89 unfilled positions mula sa 490 authorized positions sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kinumpirma naman ni Migrant Workers Undersecretary Maria Anthonette Velaco-Allones ang obserbasyon ni Villanueva at aminado na ang recruitment process sa DMW ay mabagal.
Gayunman, may mga appoitments na subject to approval ngunit ang mga ito ay hindi napirmahan ni Ople noong Hulyo.
“Dahil OIC po si Usec. Hans Cacdac, nire-request din po naming ang Malacanang ay magbigay po ng specific power to sign appointments dahil kahit po ‘yung movements ng aming attachge ay naapektuhan sa ngayon,” saad ni Allones.
Dagdag pa ni Allones na tinitignan nilang makumpleto ang proseso ng recruitment sa Nobyembre.
Mungkahi ni Villanueva sa DMW officials, na gawing pormal ang kanilang kahilingan para sa special power sa pamamagitan ng liham upang maiharap ng mga senador ang usapin kay Executive Secretary Lucas barsamin na kanilang makakaharap sa mga susunod na araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden