MANILA, Philippines -Tinitignan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang programa kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ilalaan sa pagkuha ng isang milyong manggagawa na ide-deploy sa Saudi Arabia.
Nauna nang sinabi ni DMW Secretary Toots Ople na target ng Saudi Arabia na mag-hire ng isang milyong Filipino skilled workers sa loob ng 18 hanggang 24 buwan.
Ayon sa kalihim, karamihan sa mga in-demand na trabaho sa Saudi ay sa sektor ng healthcare, construction, at hotel and restaurant.
Samantala, sinabi ni Ople na masigasig ang Saudi Arabia na lutasin ang isyu ng hindi nababayarang sahod ng mga overseas Filipino worker (OFW) na dating pinagtatrabahuhan ng mga kumpanya doon na nabangkarote.
Sinabi ni Ople na bumuo ng isang komite ang mga awtoridad doon na nakatutok sa pag-aayos ng isyu. Ang pondong gagamitin sa pagbabayad ng sweldo ay nasa Ministry of Finance, dagdag niya.
Habang ang huling bilang ng mga OFW na kabilang ay ibiberipika pa rin ng Saudi Arabia.
Sinabi ni Ople na ang gobyerno ng Pilipinas ay nagsumite rin ng listahan ng mga benepisyaryo nito na kinabibilangan ng humigit-kumulang 12,000 manggagawa, gayundin ang 2,000 iba pa na walang mga pansuportang dokumento upang patunayan ang kanilang employment. Jocelyn Tabangcura-Domenden