Home OPINION SSS E-WHEELS DUMAYO SA SUBIC, ZAMBALES PARA MAGHATID NG SERBISYO

SSS E-WHEELS DUMAYO SA SUBIC, ZAMBALES PARA MAGHATID NG SERBISYO

NAGSAGAWA ang SSS o Social Security System Olongapo Branch kamakailan lamang ng isang SSS e-Wheels program sa Sitio Parola Cawag sa Subic, Zambales upang mapalawak ang mga serbisyong inaalok ng ahensiya at ang saklaw nito sa mga liblib na lugar.

Sumakay si SSS Olongapo branch head Marites Dalope at iba pang mga kawani ng sangay sa isang 90 minutong biyahe sa bangka mula sa Bulungan patungo sa Sitio Parola, na nagpapakita ng dedikasyon ng SSS na magbigay ng mga serbisyong mas malapit sa komunidad ng mga mangingisda.

Nagsimula ang e-Wheels program sa isang oryentasyon tungkol sa mga benepisyo, programa, at serbisyong inaalok ng SSS. Ang mga kawani ng Accounts Management Section ay aktibong nakipag-ugnayan at tumulong sa mahigit na 120 mga kalahok sa aktibidad.

Kabilang sa mga serbisyong inaalok ng SSS e-Wheels ang pagbibigay ng Social Security (SS) Number at Payment Refe­rence Number (PRN), My.SSS registration, at tulong sa online payment gamit ang GCash/Maya at iba pang katanungan kaugnay ng SSS.
Kasama rin sa aktibidad ang mga empleyado mula sa Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council at ang Public Relations Department ng SBMA o Subic Bay Metropolitan Authority.

PILIPINAS IKATLO SA
PINAKALIGTAS NA BANSA SA ASEAN

NASA ikatlong puwesto ang Pilipinas sa pinakaligtas na bansa sa buong ASEAN region o Southeast Asia ayon sa 2023 Gallup Law and Order Index na may puntos na 86 points.

Nanguna naman ang mga bansang Indonesia at Vietnam na kapwa may 90 points.

Ang ibang mga bansa sa rehiyon ay mga sumusunod na puntos –
– Malaysia, 85 points;

– Cambodia, 83 points;

– Laos, 81 points;

– Thailand, 78 points; at

– Myanmar, 66 points

Ang palaging nangungunang Singapore ay hindi pu­mayag na makasama sa survey dahil sa kuwestiyon sa mga katanungan ng Gallup, at hindi rin kasama ang Brunei.

Ikinatuwa ng PNP o Philippine National Police ang “impressive index score” na nakuha ng bansa sa pagtatanong mismo ng Gallup.

Magsisilbi umanong inspirasyon ito sa kapulisan para mas lalo pang pag-ibayuhin ang ginagawa nitong mga hakbangin at pamamaraan para masigurado na palagiang ligtas ang komunidad at ang bawat Filipino mula sa anomang uri ng kasamaan.

Previous articleYnion nahalal na pangulo ng San Pedro LnB
Next articlePHILIPPINE UNIVERSITIES 2024 QS WORLD UNIVERSITY RANKINGS