Home HOME BANNER STORY Sta. Cruz, Maynila isinailalim sa state of calamity!

Sta. Cruz, Maynila isinailalim sa state of calamity!

MANILA, Philippines – ISINAILALIM sa “state of calamity” ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang isang Barangay sa Sta Cruz, Manila matapos ang naganap na malaking sunog na tumupok sa higit 500 kabahayan noong nakaraang linggo.

Ang resolusyon na inakda nina 3rd District Councilor Timothy Oliver “Tol” Zarcal, Atty. Ernesto “Jong” Isip,Jr, Pamela “Fa” Fugoso, Terrence Alibarbar, Johanna Nieto Rodriguez at Maile Atienza ay naipasa sa ginanap na sesyon ng Konseho noong Huwebes na inaprobahan ng mayorya ng mga miyembro nito.

Nagbigay naman ng pagpuri si Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pagpapasa ng resolusyon na magbibigay daan upang mapagkalooban ng kaukulang mga tulong ang mga apektadong pamilya at indibiduwal mula sa barangay at sa lokal na pamahalaan.

Una nang naghatid ng tulong pinansiyal na tig-P10,000 sina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa 1,201 na mga apektadong pamilya at tig- P3,000 sa 63 indibiduwal na walang pamilya na kabilang din sa nawalan ng tirahan sa naganap na sunog.

Sinabi ng alkalde na naglaan din ng pondo si 3rd District Congressman Joel Chua upang mapagkalooban ng tig-P5,000 ang bawa’t pamilyang apektado ng sunog sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang naturang sunog sa Oroquieta Street, Barangay 310, Zone 31, malapit sa kanto ng C.M. Recto ay naging sanhi rin ng pagkamatay ng isa at pagkasugat ng iba pa. JAY Reyes

Previous articleBimby, pauwi na sa Pinas; Kris, umamin sa real score nila ni Mark!
Next articleEmpleyado ng munisipiyo, arestado sa droga

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here