MANILA, Philippines – Inirerekomenda nang ilagay sa state of calamity ang bayan ng Libjo sa Dinagat Islands dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng African swine fever (ASF) cases.
Nitong Martes, Agosto 8, naglabas ng pahayag ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), sa pangunguna ni Libjo Mayor Melody Llamera Compasivo, na nagrerekomenda sa deklarasyon ng state of calamity sa Sangguniang Bayan.
“The people in the municipality are alarmed by the rising cases of ASF. A solution to deter the further spread of the ASF is necessary,” saad sa pahayag.
Ang proposal naman sa state of calamity ay inaprubahan ng MDRRMC members at 16 na barangay captain ng bayan.
“Based on the data provided by the Municipal Agriculture Office, six barangays in the town are already affected by the ASF,” sinabi pa sa ulat.
Nitong Lunes, Agosto 7, nasa 163 baboy ang kinailangang patayin sa mga apektadong barangay upang mapigilan ang pagkalat pa ng sakit sa ibang mga barangay.
Suhestyon din ng MDRRMC, maglagay ng footbath checkpoints sa mga entry point ng mga barangay na hindi pa naaapektuhan ng ASF.
Ipinanukala rin ng konseho na ang pagbebenta ng buhay na baboy at pork by-products ay dapat payagan lamang sa mga barangay na hindi pa apektado ng sakit.
Inaasahan na gagawin ng Libjo SB ang deklarasyon sa regular na sesyon ngayong linggo. RNT/JGC