Home METRO State of calamity nagbabadyang ideklara sa bayan sa Albay sa El Niño

State of calamity nagbabadyang ideklara sa bayan sa Albay sa El Niño

ALBAY- Nakaambang magdeklara ng ‘state of calamity’ ang lokal na pamahalaan ng Pio Duran sa lalawigang ito dahil sa masamang epekto ng El Niño, partikular sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Pio Duran Councilor Gina Peralta-Elorde, Chairman of the Committee on Agriculture, kawawa ang kanilang mga magsasaka dahil labis na naapektuhan ang palayan na pangunahing pangkabuhayan ng mga residente.

Ayon sa datos ng lokal na pamahalaan, humigit-kumulang 1,232 ektarya ng bukirin ang naapektuhan ng matinding init.

Sa 33 barangay sa Pio Duran, 28 ang nakapagtala ng pinsala, na nakaapekto sa humigit-kumulang 1,565 magsasaka.

Umabot na rin sa P82 milyon ang tinatayang halaga ng pagkalugi sa agrikultura.

Bilang tugon, plano ng lokal na pamahalaan na magdeklara ng state of calamity sa munisipyo upang mabigyan ng mas malaking tulong ang mga apektadong magsasaka.

Samantala, bukod sa pagtugon sa mga usaping pang-agrikultura, nakatuon din ang lokal na pamahalaan sa pagresolba sa kakulangan ng suplay ng tubig na nakaaapekto sa mga kabahayan.

Naghihintay na lamang ang mga residente ng rasyon ng tubig mula sa LGU.

Desidido naman si Mayor Alan Arandia sa planong pagdedeklara ng state of calamity sa kanyang nasasakupan lalo na at hirap ang mga residente na makakuha ng tubig. Mary Anne Sapico

Previous articleEx-BuCor exec Zulueta pumanaw na
Next articleP5M marijuana plantation sinunog