
LAPU-LAPU, Cebu-DUGUAN bumulagta ang isang street vendor sa harap mismo ng kanyang ina matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang nagtitinda ang una noong Huwebes sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Clifford John Cavan Lumba, 30-anyos, at residente ng Sitio Basak Eba, Barangay Basak, Lapu-Lapu City.
Batay sa report ng Presinto 4 Lapu-Lapu police, bandang 7:00 PM nang maganap ang krimen sa gilid ng kalsada sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagtitinda ang biktima kasama ang kanyang ina ng bigla na lamang sumulpot ang suspek at pinagbabaril si Lumba .
Sa kabila ng tama sa dibdib nagawa pang makatakbo ng biktima subalit hinabol pa rin ito ng suspek at muling pinagbabaril na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Ayon sa pulisya, personal na galit ang motibo sa krimen at mayroon na silang persons of interest na hindi muna pinapangalanan habang isinasagawa ang imbestigasyon. Mary Anne Sapico