MANILA, Philippines – NAIS ng Commission on Audit (COA) na imbestigahan ng Office of the Ombudsman kung kinakailangan na sampahan ng kaso ang mga opisyal ng state college para sa kanilang di umano’y illegal na pagbili ng digital language laboratory system.
Sa isang desisyon na ipinalabas nito lamang Marso, in-upload kamakailan sa COA website, inaprubahan ng COA ang petition for money claims na isinampa ng Mars Laboratory Instruments Center (MLIC) laban sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST).
Inatasan ng COA ang EARIST na matatagpuan sa Sta. Mesa, Manila na bayaran ang MLIC ng ₱3.5 million.
Napuna ng COA na ang transaksyon bilang kontrata ay hindi aprubado ng board of trustees ng EARIST. Tinukoy din nito ang brand name ng software at projector na malinaw na paglabag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.
“Nonetheless, in view of violations of pertinent provisions of PD No. 1445 and RA 9184, the case shall be referred to the Office of the Ombudsman for investigation and filing of appropriate charges against the persons responsible for the transaction,” ayon sa COA.
Sa ulat, pumasok sa isang kontrata ang EARIST sa MLIC para sa suplay, delivery, at installation ng digital language laboratory system. Si EARIST president Dr. Eduardo Caillo ang tumayong kinatawan nito.
Kabilang dito ang “interactive whiteboards, computers, multimedia projectors, at motorized projector screens, at iba pang kagamitan.
Habang natuklasan na ang kontrata ay irregular, nagdesisyon ang COA na pagkalooban ng money claim ang MLIC lalo pa’t nakapag-suplay at nakapag-deliver ito ng mga kagamitan sa EARIST gaya ng nakasaad sa kontrata.
Sinabi pa ng COA na labis na napakinabangan ng EARIST ang ikinabit na equipment.
“It would be the height of injustice to deny the money claim as this would result in unjust enrichment on the part of EARIST and financial loss on the part of MLIC,” ayon sa COA. Kris Jose