MANILA, Philippines – Tumaas pa ang pagbuga ng sulfur dioxide at bilang ng rockfall events sa nakalipas na 24 oras sa Bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa 5 a.m. advisory ng PHIVOLCS nitong Huwebes, Hulyo 6, naglabas ang bulkan ng 1,621 tonelada ng sulfur dioxide at 243 rockfall nitong Hulyo 5.
Wala namang iniulat na volcanic earthquakes, bagama’t tumaas ang bilang ng dome-collapse
pyroclastic density current events (PDCs) mula lima patungong pito.
Ayon sa PHIVOLCS, nagpapatuloy ang Mayon sa
“intensified unrest or magmatic unrest nito,”
at nananatiling nasa 2.8 kilometro ang mabagal na pagdaloy ng lava sa Mi-isi Gully at 1.3 kilometro sa Bonga Gully.
Nananatili rin sa 3.3 kilometro at 4 kilometro ang pagdaloy ng lava sa Basud Gully.
Hanggang nitong Huwebes, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na aabot na sa 9,779 pamilya mula sa 26 na barangay ang apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay. RNT/JGC