MANILA, Philippines – PATULOY sa pag-alboroto ang Bulkang Mayon makaraang maitala ang 69 volcanic earthquake sa nakalipas na magdamag, iniulat nitong Lunes, Oktubre 23, 2023 ng Philippine Institure of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, patuloy ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 3.4 kilometro sa Bonga Gully.
Sinabi pa ng Phivolcs na bukod sa pagyanig ay namataan din ang pagbuga ng usok sa bunganga ng bulkan na may 200 metrong taas at katamtamang pagsingaw ng usok.
Nabatid pa sa ahensya na namataan din ang panandaliang pamamaga ng bulkan sa patuloy na pag-aalboroto nito.
Kaugnay nito, sinabi pa ng Phivolcs na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim (6) na kilometrong radius na Permanent Danger Zone (PDZ).
Nabatid pa sa ahensya na ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Samantala, kaugnay nito ay maaari pa ring maganap ang mga sumusunod gaya ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, katamtamang pagputok at pag-agos ng lahar. Santi Celario