Home OPINION SUMUPORTA SA MGA CHINESE DAPAT IMBESTIGAHAN

SUMUPORTA SA MGA CHINESE DAPAT IMBESTIGAHAN

HINDI lang naman mga estdyanteng Chinese ang nakapasok sa bansa at nakapag-enrol sa mga paaralan o unibersidad sa Cagayan nang hindi namamalayan (kuno) ng mga awtoridad subalit maging ang mga negosyante at mga manggagawang mula sa Mainland China ay namayagpag sa ating bansa noong mga nakalipas pang taon.

Naipasok nila ang kanilang mga negosyo tulad ng CCTV, Solar lights, bulbs, computers at iba pang maituturing na mga bahagi ng makabagong teknolohiya na ang presyo ay hindi kayang pantayan o sabayan ng ating mga negosyanteng umaangkat din sa ibang bansa.

Maging mga serbisyo sa komunikasyon ay napasok ng mga Chinese na ito dahil na rin sa tulong at suporta ng ilang kapwa Chinese na matagal na sa Pilipinas at may mga kaibigang nasa Philippine National Police at iba pangm ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Immigration at Bureau of Customs.

Siyempre, may mga kontak din ang mga ito sa Department of Justice kung kaya naman kapag nahuli sila ay madali na sa kanila ang magpiyansa.

Naging talamak din ang paggawa ng krimen ng mga Chinese na ito siyempre dahil sa proteksyong kanilang nakukuha mula sa ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Kapag nagkakaso ang mga ito sa piskalya, may abogadong humaharap na kaagad sa kanilang nagawang krimen kung kaya’t madali na para sa mga ito ang matakasan o maligtasan ang kanilang kinakaharap na asunto pero siyempre sumusuka ang mga Chinese na ito ng malaking halaga ng pera.

May panahong naghari-harian ang mga Chinese sa ilang bahagi ng bansa dahil sa proteksyong kanilang nakuha sa ilang mataas na opisyal ng bansa lalo na sa PNP. Siyempre, malaki ang kinitang salapi ng mga opisyal na ito at ng ilang kaibigang Tsinoy na naglapit sa kanila para sa proteksyon ng mga dayuhang ito.

Pero nang mawala na sa pwesto ang mga protector na ito, unti-unting lumalabas ang katotohanan na napapaligiran na tayo ng mga dayuhang nagnanais na masakop ang ating bansa.

Kapag gabi, bandang alas-10, maraming mga convenience store sa mga lungsod ng Pasig, Paranaque , Las Pinas, Muntinlupa, Bulacan, Pampanga at ilang bahagi ng bansa ay maoobserbahan na nagtitipon-tipon ang mga ito na tila mga langgam sa bilis nang kanilang pagdami.

Kaya para matukoy kung paano sila nakapasok sa banbsa, nakakuha ng Filipino Citizenship kasama ang Identification at birth certificate, dapat na maimbestigahan ang mga tumulong sa mga ito.

Kapag napatunayang mayroong sabwatan, kailangang maparusahan ang mga tumulong na ito para hindi na sila pamarisan pa. Gayunman, marami na silang perang magagamit para sa paglaban sa kasong kahaharapin nila.