Home METRO Sundalo patay sa salpukan ng motorsiklo at trak

Sundalo patay sa salpukan ng motorsiklo at trak

CONNER, Apayao – Hindi sa engkwentro ng mga rebelde namatay ang isang sundalo kundi sa salpukan ng motorsiklo at trak sa kahabaan ng Sitio Turayuk, Buluan, Conner, Apayao.

Kinilala ang biktima na si Job Bayeng, residente ng Bontoc, Mt. Province, enlisted personnel ng 98th Infantry Batallion, Philippine Army na nakabase sa Kabugao, Apayao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay sa pataas na bahagi ng kalsada ang sundalo pabalik na sa kanilang kampo nang aksidenteng bumangga sa paparating na mini dump truck na napunta sa kanyang linya.

Ang truck ay minamaneho naman ni Homer Doroteo, 36-anyos, residente ng Rizal, Kalinga at mayroong kasamang dalawang pahinante.

Sa lakas ng impact ng kanilang banggaan, tumagilid sa kalsada ang truck habang naiwan naman sa windshield ng truck ang motorsiklo.

Nabatid na patungo sana sa bayan ng Tuao ang truck para magbenta sana ng 22 piraso ng baboy nang mangyari ang aksidente.

Unang isinugod sa Tuao District Hospital ang sundalo at kalauna’y inilipat sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City subalit idineklarang dead on arrival dahil sa mga tinamong sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Sugatan din ang mga sakay ng dump truck kung saan nasa maayos nang kalagayan ang tsuper ng truck habang naiwan pa sa isang pagamutan sa probinsya ng Kalinga ang isang pahinante.

Pansamantala, nasa kustodiya ng pulisya ang nasabing tsuper na nakatakdang sampahan ng kaso. Rey Velasco

Previous articleChocolate Hills resort posibleng magmulta ng P5M, demolisyon pinag-aaralan – DENR
Next articleSenior lumutang sa ilog