MARAMI ang naganap sa sunog sa Hawaii na karugtong ng ating bansa o maaaring mangyari sa atin na dapat nating bigyan ng pansin.
MARAMING PINOY ANG NADAMAY
Kabilang sa malulungkot na pangyayari ang pagkadamay ng maraming Pinoy sa sunog.
Pinakamatindi ang mga maaaring nasawi.
Napakalungkot ang pangyayari dahil hindi sila naging madaling makilala at kailangan pang idaan sila sa DNA test.
“Yun bang === hindi sila naging madaling makilala dahil ganap silang nasunog.
Condolences po sa lahat ng mga pamilya ng mga namatayan.
Habang tinitipa ito, nasa 93 pa lang ang kumpirmadong nasawi, subalit marami pa ang nawawala.
Kaya naman, maaari pang madagdagan ang madeklarang patay at maaaring may Pinoy pang maisama rito.
Subalit sana hindi magkatotoo.
MARAMING NAWALAN
Hindi lang nasawian ang mga Pinoy, mga Bro.
Mahigit 2,000 gusali na pampamahalaan, pangnegosyo at pantahanan ang naabo.
Kaya maraming Pinoy ang nawalan ng trabaho sa gobyerno at sa mga pribadong kompanya.
Nawalan din sila ng matitirhan at nasa iba’t ibang evacuation center.
Sana naman, mabigyan sila ng pagkakataon na makabangon muli at magtagumpay.
Pero hindi madali ang usaping ito.
Maaaring abutin ang mga Pinoy ng mga buwan o taon bago muling makabangon at magkaroon ng normal na buhay.
At kung pinag-uusapan ang normal na buhay, kaya na nila muling makapagbigay ng ayuda sa mga hirap nilang mahal sa buhay sa Pilipinas.
Sanaol sa makababangon muli.
At alam ba ninyong sa kanilang mga padala, maging ang ating pamahalaan ay nakikinabang?
Nakikinabang ang pamahalaan sa dolyar nilang padala at ginagamit ang dolyar ng pamahalaan bilang pambayad sa utang at pakikipagkalakalan sa mga dayuhan.
IBANG MAHAHALAGANG USAPIN
Wala pang nakaaalam kung paano nagsimula ang sunog, ngunit nauna nang nagbabala ang National Weather Service na maaaring magkasunog sa lugar dahil tuyong-tuyo lahat at napakainit o napakaalinsangan sa lugar.
At nagkasunog nga!
Ang masama, hindi gumana ang sirena na buwan-buwan nilang pinatutunog bilang unang depensa nila sa pagdating ng anomang kalamidad.
Nagtaka rin sila na hindi gaanong gumana ang mga alerto sa mga cellphone kaya ganu’n na lang ang labis na kakulangan ng preparasyon sa kalamidad.
At nang naroon na ang sunog, naging mabilis na kumalat ito dahil inililipad ang mga apoy ng malalakas na hangin papunta sa ibang lugar.
Nagkaroon ng malalakas na hangin na may bilis na 60 milya kada oras na naglipat ng mga apoy at umihip sa mga apoy upang mabilis na lumakas ang mga sunog.
Paano kung mangyari ang mga ganito sa ating bansa?
Alalahaning pasok na ang El Niño na isa rin sa mga dahilan ng napakainit na heat wave sa Hawaii at malaking bahagi ng Amerika.
Gaano na ba tayo kahanda sa sunog na may ganitong nakatatakot na mga katangian?