Home OPINION SUNOG KAHIT SAAN; TOWERING INFERNOS

SUNOG KAHIT SAAN; TOWERING INFERNOS

MATITIGILAN ka at mapapadasal kung makaririnig ka ng mga wangwang ng mga bumbero at magkakaiba ang kanilang mga patutunguhan.

Sa Metro Manila ito na kung minsan halos sabay-sabay o magkakasunod ang mga sunog.

Pero meron ding mga sumasabay sa mga lalawigan.

Nitong Pebrero 17, 2024 nga lang, hindi sinanto ng sunog ang mga santo na paninda ng mga tindahan sa paligid ng Manaoag Church sa Pangasinan.

Noong Pebrero 22, may nasunog na 30 bahay sa Las Piñas at isang oras makaraan, sumiklab din ang sunog sa
Tondo, Manila na ikinamatay ng mag-ama.

Pebrero 23 naman nang masunugan ang 60 pamilya sa Muntinlupa habang nasunog din ang magkatabing bahay sa Bagong Barrio, Caloocan.

Dalawa naman ang namatay sa sunog sa Mandaluyong kamakalawa.

Ngayon naman, may 1,000 ektarya nang nasusunog na kagubatan sa Benguet sa Cordillera.

TOWERING INFERNO

Tatlong nakatatakot na sunog sa ibang bansa ang naganap nitong nagdaang mga araw lamang.

Sa Central China, nagkasunog sa isang eskwelahan at 13 mag-aaral na bata ang namatay.

Nagkasunog dahil sa umapoy na panlaban sa init ng panahon na nakasaksak sa kuryente.

Ilang araw lang ang nakaraan, nasunog naman ang isang high rise apartment o nasa 34 palapag na gusali.

May namatay na 15 katao at 44 na nasugatan.

Nagmula umano ang sunog sa garahe ng mga electric trike.

Katatapos lang din ang sunog sa Valencia, Spain na ikinamtay ng 10.

Dalawang magkatabing gusali na residential building ang nasunog at isa rito ang 14 palapag na gusali.

SUNOG SA MGA TOWER

Kung iisipin, walang masabing madaling apulahing sunog.

Pero nasa isipan natin ang mga gusaling matataas na kung magpatihulog ka para maligtas sa sunog, mamatay ka naman sa mga durog na bungo at buto pagbagsak mo sa lupa.

Medyo maswerte-swerte ang mga may maliliit at hindi matataas na lugar dahil pupwede silang maligtas sa pagtakbo o pagtumbling mula sa itaas.

At ang mga nasa matataas na gusali?

Napakahirap ang pagliligtas lalo na kung magsimula ang apoy sa ibaba.

Inadyinin mo na lang na parang nakasalang na kaldero sa kalan ang isang gusali sa malakas na apoy mulsa sa first o second floor o kahit pa sa third floor.
Paano ka baba gamit ang mga escape door sa ganyang kalagayan.

KAKAYAHAN NG MGA BUMBERO

Hanggang saang palapag ang kayang abutin ng crane ng isang bumbero?

Hanggang saan uubra ang mga anti-fire system o fire sprinkler ng mga gusali sakaling magkasunog?

Heto ang imadyinin ninyo, marami sa mga building sa Metro Manila ang mahigit 50 hanggang 71 palapag.

Mas mataas ang mga ito sa mga nasunog sa China at Spain.

Kung magkasunog ang mga ito at nagkataong marami ang nasa loob ng mga gusaling ito, paano?

Una, may kakayahan ba ang mga bumbero na apulahin ang sunog sa hanggang mahigit 300 metrong taas na gusali?

200 metro na lang, kalahating kilometro na ‘yan!

Lagi bang nagsasanay para sa mabilis na aksyon laban sa sunog at paglilikas ng mga residente, nag-oopisina at bisita sa mga gusaling ito?

Basta maghanda lahat laban sa sunog.

Previous articleDSWD KATUWANG NG MAGSASAKA LABAN SA EL NINO
Next articleAmihan iiral sa Luzon