MANILA, Philippines – Nagbabala ang weaather bureau ukol sa binabantayan nilang isang tropical storm (TS) sa silangan ng Mindanao na maaaring maging isang super typhoon at pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na linggo.
Ang bagyo ay huling namataan 2,525 kilometro silangan ng Mindanao, sa labas pa rin ng PAR, at kasama sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) – isang lugar kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa hilagang-silangan at timog-silangan upang magbuo ng mga ulap at pag-ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ang bagyo ay may maximum sustained wind na 45 kilometro bawat oras (kph) at pagbugso na 55 kph.
Tinatahak nito ang hilagang-direksyon nang 20 kph at inaasahang tutuloy sa hilagang-hilagang kanluran patungo sa Guam sa Linggo, at pagkatapos ay sa hilagang-kanluran sa Miyerkules.
Kung magpapatuloy ang pagkilos nito patungo sa hilagang-kanluran, inaasahang pumasok ito sa PAR sa Biyernes o Sabado ng susunod na linggo.
Kapag pumasok na ang TS sa monitoring area ng bansa, ito ay bibigyan ng pangalang Betty, ang ikalawang tropical cyclone para sa taong 2023 at ang unang cyclone para sa buwan ng Mayo. RNT