MANILA, Philippines- Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng bigas sa bansa kahit pa sa tinatawag na lean months o buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.
“If we are going into the lean months and we have a good buffer of about 60 days plus the production during that period and then import arrivals so I think we are confident that we will have a good supply for the lean months,” ayon kay DA Undersecretary Leocadio Sebastian sa isang panayam.
Nauna rito, nagbabala ang agricultural groups nang nagbabadyang rice crisis dahil sa El Niño phenomenon ngayong taon, tinatayang magsisimula ngayong Hunyo.
Sinabi ni Sebastian na ang DA ay nakapagtala ng 1.48 million metric tons (MT) ng imported rice at nag- carryover ng stock mula sa nakalipas na taon na 1.8 million MT.
Inaasahan ng ahensiya ang 5.7 million MT na kabuuang local harvest mula Enero hanggang Hunyo.
“Malaki ‘yung ating projected na supply for the first six months, and we are expecting we will have at least remaining stock by end of June that will be good for about two months,” ayon kay Sebastian.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Pangulong Marcos na nito lamang buwan ng Abril ay hindi niya nakita na may krisis sa bigas sa bansa, subalit ang opsyon na mag-angkat ay dapat na manatiling bukas.
Ang isa sa campaign promise ng Pangulo ay ibaba ang “per kilo” na presyo ng bigas sa ₱20.
Tinuran ni Pangulong Marcos na nito lamang Marso, umaasa ang gobyerno na makakamit ito “as soon as possible” sa kabila ng mga hadlang gaya ng panahon.
Sinabi ng mga nakalipas at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na mahirap na makamit agad ito dahil sa “funding issues” at situwasyon sa merkado.
Ayon kay Sebastian, “lowering the price of rice is possible, but it should be market driven.”
“We are not going to dictate it, but what we can do is we can help our farmers reduce their costs, improve the value chain… para makita natin if our cost of production and the cost of the value chain will be lower baka pwede nating mapababa yung presyo, but ₱20 maybe mahirapan tayo doon ,” paliwanag nito.
Samantala, makikita naman sa pinakabagong government data na ang presyo ng local commercial rice sa Kalakhang Maynila ay nasa pagitan ng ₱34 per kilo hanggang ₱60 per kilo depende sa klase ng local rice, at ₱40 hanggang ₱58 para sa imported rice. Kris Jose