MANILA, Philippines – Sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na malaki ang tsansa na maabot ng antas ng tubig sa Angat Dam ang target na elevation na 210 metro sa pagtatapos ng taon.
Sa isang briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni MWSS spokesperson Patrick Dizon na nasa 208.66 meters ang tubig ng dam, na malapit na rin sa normal na lebel ng tubig na 212 meters.
Ang mga projection na ito ng dam elevation, aniya, ay nagpapahiwatig na magkakaroon ng sapat na supply ng tubig sa gitna ng El Niño weather phenomenon.
“Ang mga elevation [predictions] na ito ay nagbibigay sa amin ng mataas na kumpiyansa na magiging sapat ang supply para maibsan ang banta ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa susunod na taon,” aniya.
Sinabi ni Dizon na ang pag-ulan sa mga watershed ng Angat Dam ay nakatulong sa pagpapanatili ng elevation, gayundin ang mga hakbang sa pag-iingat na ipinatutupad.
Sakop ng 56-anyos na Angat Dam ang 90 porsiyento ng pangangailangan ng mga mamimili para sa malinis at ligtas na tubig sa NCR.
Nagbibigay din ito ng tubig para sa pangangailangan ng irigasyon ng 25,000 ektarya ng mga bukirin sa Bulacan at Pampanga. Santi Celario