
MULA sa dating tahimik, walang galaw na nangyayari, ngayo’y parang piyesta ang paligid sa dami ng gimik na ‘ini-sponsor’ ng mga tumatakbo sa Barangay at Sanggguniang Kabataan Elections.
Ang mga kapitan, kagawad at SK leader na biglang naglaho matapos ang huling BSKE ay muli na namang natutunghayan sa mga kalsada, pinangungunahan ang pagwawalis sa kapaligiran.
Kundi paglilinis sa lansangan, nagkakalkal ng baradong kanal ay may ini-sponsor na palaro, pagupit, medical mission, pakain at kung ano- ano pang gimik sina kapitan, kagawad at SK leader.
Siyempre ang mga nag-a-aspire na maging kapitan, kagawad at SK head ay may mga sariling gimik din para makuha ang loob, suporta ng mga botante sa araw ng eleksyon.
Kung babalikan ang nakaraan, ang BSKE ay ginagawang kasangkapan lang (hindi naman lahat) ng karamihang gustong maging Brgy leader para sa pansarili nilang interes at kapakanan.
Dahil kapag sila’y nanalo, nagkaroon ng kapangyarihan, ang mandato ng isang naluluklok na lider ay kanila nang nakakalimutan.
Imbes na magtrabaho para sa kaba-baryo, ang inaatupag ni kupitan, este kapitan, kasapakat si kagawad at SK leader ay nagpapasugal o gumagawa ng gimik na iligal para kumita sa nasamang paraan.
‘Yan ay ‘di maikukubli dahil ‘yan ang katotohanan kaya dapat maging mapanuri tayong mga botante sa pagpili ng mga susunod nating lider sa barangay sa darating na Oktobre 30 election.
****
GL ‘NONIT’ FOR ‘KUPITAN’!
Speaking of election at mga kandidato sa darating na BSKE, isang alyas ‘Nonit’ ‘na kilalang ‘certified’ iligalista ay isa sa tumatakbong kapitan sa Padre Garcia, Batangas.
Kasosyo ang isang ‘Tisoy’, si Nonit na operator daw ng 3 sakla den na mistulang mini-casino na sa dami ng sugal ay halimbawa ng tumatakbong kapitan na kapag nanalo ay gagamitin lang ang posisyon para pansariling kapakanan. Abangan.