MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang 43-anyos na babae makaraang tangkain nitong sumakay ng Philippine Airlines patungong Singapore.
Batay sa ulat ng Bureau of Immigrations (BI) Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa isinagawang primary inspection, nagduda sila sa travel authority ng nasabing babae kaya ini-refer sa secondary inspection kung saan nakumpirmang peke ito.
Nabatid sa BI na ang isang travel authority ay isang dokumento na ibinibigay sa lahat ng government employee na pinapayagang bumiyahe sa ibang bansa.
Gayunman, nagduda ang mga opisyal nang hindi matukoy ng babae kung saan bayan siya magtatrabaho na sa kalaunan ay inamin nito na na-recruit lamang siya ng isang kaibigan at nagbayad ng halagang P15,000 sa pamamagitan ng isang electronic payment apps.
Sinabihan din siya na i-delete ang kanilang naging usapan pagkatapos nitong makapagbayad.
Sinabi rin ng bababe na ibinigay lamang sa kanya ang kanyang travel documents sa airport ilang oras bago ang kanyang biyahe
Inamin din nito na ang kanyang biyahe ay sa Dubai kung saan gusto niyang magtrabaho habang hinihintay ang kanyang visa sa Lebanon.
Ang babae ay dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para imbestigahan at sampahan ng kaso ang kanyang recruiter.
“This incident shows that these traffickers will go to great lengths to elude strict immigration inspection,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco. “Despite this, we remain committed to upholding the law and ensuring the safety of departing overseas workers,” dagdag pa ng opisyal. JAY Reyes