DAVAO CITY- PATAY ang isa sa apat na suspek sa pagpatay at paggahasa sa 28-anyos na Architect na si Vlanche Marie Bragas habang dinukot umano ang isa pang suspek, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Dennis Roy Panzan, 23-anyos, na una umanong nawawala noong May 26 at naaresto ito noong May 27, subalit nalagutan rin ito ng hininga.
Habang si Kent Laurence Espinosa, 19, ng Calinan City, Davao ay dinukot umano ng kulay gray na van noong Mayo 27 sa Purok 1, Lacson.
Tanging ang suspek na si Renato Ali Bayansao ang nasa kustodiya ngayon ng pulisya na siyang itinuturong nagmamaneho ng sinakyan ni Bragas.
Nadakip si Bayansao noong Mayo 28 sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga awtoridad.
Patuloy naman pinaghahanap ang isa pang suspek na hindi pa nakikilala at pawang mga nahaharap sa kasong Rape with homicide.
Samantala, pilit naman itinatanggi ng mga kaanak ng mga suspek na sila ang gumawa sa krimen pero kuha sa CCTV na si Bayansao umano ang nagmamaneho ng tricycle o tricab na sinakyan ng biktima.
Naninidigan naman si Police Colonel Alberto Lupaz, Director, Davao City Police Office, na dalawang testigo ang kanilang hawak na nagtuturo sa partisipasyon ng mga suspek sa krimen.
Aniya, isa sa dalawang saksi, suki umano sa meat shop kung saan nagtatrabaho si Panzan.
Dagdag pa ni Lupaz, magkakakilala ang mga suspek at posibleng napagtripan ng mga ito ang biktima habang naman hinahanap ang tricycle na ginamit ng mga suspek sa krimen./Mary Anne Sapico