MANILA, Philippines – Pinaplano ngayon ng mga awtoridad na ilipat ang mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo mula sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility patungo sa Camp Crame sa Quezon City makaraang suhulan umano ang mga ito ang dating Justice official.
“It’s on process already. We’ve already given heads up to the NBI director that these suspects may be moved upon the request of certain parties,” sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano sa panayam ng CNN Philippines nitong Biyernes, Mayo 19.
Aniya, ang mga nakaditeneng suspek ay ililipat sa Camp Crame sa mga susunod na araw kung aaprubahan ni DOJ Secretary Jesus Crisin Remulla ang transfer request.
Bukas naman ang DOJ chief sa suhestyon ng paglilipat sa mga suspek upang mapreserba rin ang integridad ng kaso.
Nang tanungin kaugnay sa di-umano ay bribing issue sa dating Justice undersecretary, sinabi ni Clavano na narinig niya na nga ang usaping ito.
Bagama’t walang pinangalanang indibidwal, iginiit ni Clavano na bawal makipag-usap sa mga suspek ang dating opisyal ng pamahalaan.
“Eventually, he found his way again to the NBI and perhaps he was able to talk already to the families outside, saying that someone had sent him. And that’s why the NBI also had no choice but to let him speak to the suspects,” ani Clavano.
Si Levy Baligod, abogado ng Degamo family, ang nagbulgar ng isyung ito na isang dating DOJ official umano ang nagtangkang manuhol sa mga nakaditeneng suspek upang hindi na makipagtulungan ang mga ito sa mga awtoridad.
Sinasabi rin ng abogado na ang dating opisyal na ito ay nakipagtulungan sa mga jail guard sa NBI detention facility. RNT/JGC